2 member ng Clique V pasok na sa top 14 ng Starstruck
PASOK sa top 14 ng StarStruck Season 7 ng GMA 7 ang dalawang member ng grupong Clique V ng 316 Events And Talent Management.
Nagpakitang-gilas agad sa pagsisimula ng original artista search ng Kapuso Network sina sina Karl Aquino at Gelo Alagban, ang dalawa sa mga talents ni Len Carillo.
Mismong sina Karl at Gelo ang nagbalita sa aming masaya sila sa suwerteng dumapo sa kanilang showbiz career. Ayon kay Karl, hindi raw lahat ng kabataang nangangarap makapasok sa showbiz ay nabibigyan ng magandang oportunidad.
Naging bukambibig ni Karl ang kanyang grupong Clique V bilang malaking bahagi ng kanyang tagumpay lalo na raw ang kanilang manager na si Len Carillo na itinuring na nilang pangalawang nanay at tatay na rin.
Sinabi pa ng artista hopeful na simula sa kanyang journey noon bilang Circle of 10 grand winner at naging Clique V member nga ay wala siyang ibang pinangarap kundi ang makilala sa showbiz, at magkaroon ng trabaho para sa kanyang pamilya.
“Yun naman po talaga ang nasa puso ko simula nang pasukin ko po ang showbiz. Kaya nga sa grupo namin sa Clique V, alam ko pong nakikita niyo rin kung gaano ako ka-devoted sa work namin.
“Nandiyan ang rehearsals, tapos shows out of town, tapos may Nanay Len pa kaming sobrang nagpapasalamat po kami sa suporta niya sa amin, kapag may mga mali kami, pinagagalitan kami na alam naman po naming para rin sa amin.
“Nandiyan din po ang sacrifices sa family, pero natuto po akong magtiyaga, mahalin ang work ko, simpleng bagay po na dapat maging professional ka lagi at mahalin mo ang work mo,” ang sabi sa amin ni Karl.
“Nakakatuwa po tito! Okey naman po ako. Masaya. Hindi nga po ako makapaniwala na nasa Final 14 ako ng StarStruck, kami ni Karl, ang saya! Excited po ako sa mga susunod naming gagawin. Exciting!” bulalas naman ni Gelo nang makatsikahan namin habang nasa isang rehearsal.
Medyo ikinalungkot lang namin ang agad-agad na pagkakatanggal kay Kyle Lucasan sa pilot episode ng StarStruck dahil puro naman positibo ang naging komento sa kanya ng judges at kitang-kita namin ang suporta sa kanya ng fans and followers nito.
In all fairness naman kay Kyle, magaling naman talaga siya sa ipinakitang talento at deserve niyang manatili sa show. Kahit ang mga netizens na tumutok sa pagsisimula ng reality talent search ng GMA ay nagsabing may K maging artista si Kyle at pwede pang pumalit sa trono ni Rochelle Pangilinan dahil sa galing niya sa paghataw.
Kunsabagay, malay natin, baka may magandang twist na magaganap sa show tulad ng pagkakaroon ng wildcard edition! Paaaak!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.