TULOY pa rin ang pag-aalay ng dasal ng mga taga-showbiz para sa award-winning actor na si Eddie Garcia.
Habang sinusulat namin ang artikulong ito ay nananatiling comatose si Manoy sa ICU ng Makati Medical Center.
Mahigit isang linggo nang nasa kritikal na kondisyon ang veteran actor-director matapos itong maaksidente sa taping ng upcoming Kapuso primetime series na Rosang Agimat.
Hanggang ngayon ay nakadepende pa rin ang aktor sa ventilator dahil sa hirap ito sa paghinga. Patuloy pa rin ang pagbibigay sa kanya ng mga gamot para ma-stabilize ang kanyang blood pressure.
Base sa latest medical bulletin ng doktor ni Manoy sa Makati Med na si Dr. Regina Macalintal-Canlas, hindi pa rin nagkakamalay ang aktor.
“Mr. Garcia continues to be in critical condition. In his present condition, he is dependent on the ventilator to breathe and medications to support his blood pressure.
Pinayuhan din ang pamilya ni Manoy na hangga’t maaari ay limitahan na ang pagtanggap ng mga taong bumibisita sa aktor.
“We have advised the family to limit Mr. Garcia’s visitors to prevent complications from occurring,” ayon pa kay Dr. Canlas.
Sa ngayon ay nasa DNR (Do Not Resuscitate) status si Eddie base na rin sa kagustuhan ng kanyang pamilya.
Kung matatandaan, noong June 8, naaksidente ang premyadong aktor sa taping ng Rosang Agimat habang ginagawa ang isang action scene. Napatid si Manoy sa isang kable at natumba na siyang dahilan kaya nagtamo ito ng neck fracture.
Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang GMA Network tungkol sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.