Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
2 p.m. UE vs La Salle
4 p.m. NU vs Adamson
Team Standings: FEU (5-0); UST (3-1); NU
(3-2); Adamson (2-2);
La Salle (2-2); UE (2-3); Ateneo (1-4); UP (0-4)
HANAP ngayon ng University of the East ang unang back-to-back win sa pagharap sa De La Salle University sa 76th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Galing ang Red Warriors sa 72-68 panalo sa five-time defending champion Ateneo de Manila University para umangat sa 2-3 karta.
Ang panalo wika ni UE coach David “Boysie” Zamar ay makakatulong sa kumpiyansa ng kanyang bataan sa pagharap sa Green Archers sa ganap na alas-2 ng hapon.
May 2-2 baraha ang La Salle pero galing sila sa 79-83 overtime na pagkatalo sa Far Eastern University noong Sabado. Biglang lumagpak ang Archers sa huling yugto nang nakabangon ang Tamaraws mula sa 13-puntos pagkakalubog sa huling dalawa’t-kalahating minuto at natalo sa overtime.
Babandera para sa Warriors si Roi Sumang pero asahan ang pagdodomina sa ilalim ni Charles Mammie na gumawa ng 20 puntos at 23 rebounds laban sa Ateneo Blue Eagles noong Miyerkules.
Iaasa naman ng La Salle kina Arnold Van Opstal at Norbert Torres ang pagtapat sa 6-foot-8 na si Mammie pero kailangan nila ang mas magandang opensa galing sa mga kamador na sina Jeron Teng, Almond Vosotros, LA Revilla at Thomas Torres.
Target na dagitin naman ng Adamson University ang ikatlong panalo sa limang laro sa pagharap sa National University sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Kinapos ang Bulldogs sa paghahabol mula sa 20-puntos kalamangan bago yumukod sa kamay ng Tamaraws, 83-87, noong Miyerkules.
Nagsanib sa 53 puntos sina Emmanuel Mbe at Bobby Ray Parks Jr. pero wala ng ibang manlalaro ang tumapos ng mahigit 10 puntos para kapusin ng suporta.
Ang bagay na ito ay dapat na maayos ni Bulldogs coach Eric Altamirano dahil ang host na Soaring Falcons ay magbabalak ding bumangon mula sa 59-71 pagkatalo sa Blue Eagles noong Linggo.
Inaasahang maayos na ang balikat ni 6-foot-7 center Ingrid Sewa para magkaroon ng puwersa sa gitna ang koponan ni Adamson coach Leo Austria.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.