Robin Padilla balak na ring pumasok sa Army, pabor sa pagbabalik ng ROTC
BALAK na ring pumasok ni Robin Padilla sa Philippine Army tulad ni Matteo Guidicelli.
Ibinandera ng action star ang kanyang planong maging sundalo sa kanyang Instagram account kasabay ng pagpupugay sa mga kabataang naninindigan para sa bayan.
Inihayag ni Binoe ang kanyang pagpasok sa Armed Forces of the Philippines matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pagpasa ng batas hinggil sa pagbalik ng ROTC program para sa senior high school students.
Narito ang ilang bahagi ng IG post ni Binoe,“Mga kabataang Pilipino, sasamahan ko kayo mula umpisa hanggang sa huli.
“Papasok ako sa Philippine Army Reserve para sa inyo upang masundan ko ang bawat ninyong hakbang tungo sa kabayanihan,” aniya pa.
Siniguro rin ng mister ni Mariel Padilla na hinding-hindi iiwan at pababayaan sa laban ni Duterte at ng AFP ang mga kabataan na papasok sa military at police force para ipaglaban ang bayan.
“Hindi tayo iiwan ng AFP at ni Mayor PRRD mga mahal na kabataan kaya’t tayo’y tumindig at bumangon ng nakataas ang dibdib at nakataas ang mga noo para sa Dios! Para sa Inangbayan! Para sa kapwa Pilipino,” sabi pa ni Binoe.
Kamakailan, inatasan ni Duterte ang senado sa pangunguna ni Senate President Tito Sotto na madaliin na ang pagsasabatas ng Senate Bill 2232 o ang Senior High School Reserve Officers Training Corps Act.
Sabi ng Pangulo, kailangan ang “immediate passage of the bill to restore basic military and leadership training for the youth in order to invigorate their sense of nationalism and patriotism necessary in defending the State and to further promote their vital role in nation-building.”
Kung matatandaan, ginawang optional ang ROTC noong 2002 dahil sa pagkamatay ni Mark Chua, ang University of Santo Tomas student na umano’y pinatay ng course officers matapos ang pag-expose niya ng fund mismanagement.
Pero ayon kay Duterte, kailangang ibalik ang ROTC dahil malaki ang maitutulong nito para ihanda ang mga kabataang Pinoy sa pagtatanggol sa bayan kung kinakailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.