Pwede palang Sabadoang oil price rollback | Bandera

Pwede palang Sabadoang oil price rollback

Jake Maderazo - June 03, 2019 - 12:15 AM

ANG kalakaran sa “oil price movements”, pag-taas man o rollback, ay i-pinatutupad ng malala-king oil companies tuwing Martes. Ito’y sa kabila ng katotohanang Biyernes nagsasara ang gasoline, diesel, kerosene trading sa Mean of Platts of Singapore (MOPS).
Kung bakit pinalilipas ng mga kumpanya ng langis ang Sabado, Linggo at Lunes ang alinmang pagbabago, rollback man o increase, ay hinahanap ko pa rin ang kanilang dahilan.
Kung susuriin, merong “minimum fuel inventory requirement” na 15 araw ang mga oil companies. Ibig sabihin, bumaba man o tumaas ang presyo ay hindi sila agad apektado.
Kaya ko sinasabi ito ay bulgar na ang magandang ginagawa ng Phoenix Petroleum na nagbababa ito ng kanilang presyo ng langis tuwing Sabado ng tanghali, kapag natapos na ang weekend trading sa MOPS pag Biyernes.
Kapag may oil price increase naman, sumasabay ang Phoenix sa karamihan ng mga oil companies na nagtataas ng presyo tuwing Martes. Nalulugi ba ang Phoenix sa ganitong sistema, Sabado kapag rollback at Martes kapag oil price increase?
Palagay ko ay hindi. Ang alam ko rin, noon pang 2018 ginagawa ito ng Phoenix. Pero bakit hindi sila tinitularan ng iba pang oil companies? Bakit ayaw itong iutos ng Department of Energy?
Dahil sa 15 days fuel inventory, wala talagang nalulugi, ang diperensya lamang ay ang katakawan ng ibang oil companies na tumatabo ng pera ng tatlong araw – Sabado, Linggo at Lunes.
Kilala niyo na kung sinu-sinong mga kumpanya ng langis ang mga masisibang iyan. Pwede palang Sabado ang oil price rollback, pero ginagawa pa ring Martes ng mga makakapal ang sikmura at ganid na oil companies.
***
Nalulungkot ako sa nangyayaring pagpili ng bagong Senate President at House Speaker sa papasok na bagong Kongreso.
Sa Senado, lumilitaw na may katunggali si SP Tito Sotto kay Sen. Cynthia Villar.
Ito’y dahil hindi magkasundo ang mga bago at incumbent senators sa mga Committee chairmanship.
Itong si Senador Richard Gordon, nagpatutsada pa na posibleng may nagaganap na “vote buying”.
Ganoon din sa Kamara kung saan pera-pera ang naririnig natin sa mga magkakatunggali.
Lima ang naglalaban: Pantaleon Alvarez, Martin Romualdez, Alan Cayetano, Lourd Velasco, at Loren Legarda.
Nasaan na ang mga “prinsipyo” at bakit handa silang magbayad o magpabayad para saa makapangyarihang pwesto ng Senate President at House Speaker?
Siyempre, pera at kapangyarihan ang mga dahilan. Kung tutuusin, sa July 22 pa ang pormal na botohan para sa dalawang pwesto na ito, pero ngayon pa lamang, nagliliyab na ang labanan sa “commitment” ng mga boboto sa bawat paksyon.
Halimbawa, sa Senado, merong 20 kapanalig daw na pabor kay Sotto, pero marami ang nadidismaya dahil hindi umano makasulong ang “legislative agenda” ng Duterte administration, lalo na iyong nakaraang 2019 national budget na umabot pa ng hanggang Marso bago nakalusot.
Isa pa, ang mahahalagang committee chairmanship ay hawak pa rin ng incumbents lalo na ang mga taga-Liberal Party. Marami rin ang naii-ngayan dito kay Senador Ping Lacson na may hawak ng Senate Finance Committee na umano’y hawak sa leeg si Sotto at ang Duterte administration.
Kayat magbabantay tayo.
Pera-pera, kapangyarihan kasama na ang Presidential ambitions sa 2022, ang naglalaro rito. Aba-ngan natin ang susunod na kabanata.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending