Gilas Pilipinas handa nang makipagsabayan sa FIBA Asia
HANDA nang makipagbanggaan ang Gilas Philippine men’s basketball team sa FIBA Asia Men’s Championship na gagawin sa bansa mula Agosto 1 hanggang 11.
Natalo ang Gilas sa Tall Blacks sa dikitang iskor na 76-77 sa pagtatapos ng anim na tune-up games sa New Zealand.
Ito ang ikatlong pagkatalo ng tropa ni coach Chot Reyes ngunit masaya ang coach sa kinalabasan ng laro dahil nakita niyang hindi natakot ang mga players niya na makipagsabayan sa mas malalaking kalaban.
“Lost to NZ national team, 76-77. Tall Blacks have only been practicing for 3 days & missing a couple guys. But we played well, esp Marcus Douthit,” tweet ni Reyes.
“More importantly, we played physical – 2 of their guys bloodied, 1 limped off, all accidental of course,” dagdag nito.
Dahil mas malalaki ang mga kalabang bansa sa FIBA Asia ay kinakailangang maging pisikal ang mga laro nito rito.
Nakataya sa FIBA Asia Championship ang tatlong slots para sa 2014
FIBA World Cup na gaganapin sa Madrid, Spain.
Sa New Zealand, tinalo ng Gilas ang Hawke Bay Hawks na hawak ng batikang coach na si Tab Baldwin sa unang dalawang laro, 82-78 at 73-70. Pero nabigo sila kontra NBL All Stars (85-86), Wellington Saints (96-100) at Super City Rangers (95-77).
Babalik na ng Pilipinas ang koponan at dito na gagawin ang huling bahagi ng pagsasanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.