ni Lito Bautista, Executive Editor
PAKINGGAN din naman natin ang mga naiinis at di naniniwala sa mga survey. Number one sa mga survey sina Ramon Mitra at Jose de Venecia Jr., noon. Pero, tinalo sila nina Fidel Ramos at Joseph Estrada. Simula nang tawagin ni Luis Singson na “False Asia” ang Pulse Asia, at ipaliwanag kung bakit niya tinawag ang kompanya ng ganito, nawala sa survey si Singson at wala na ring di magagandang ibinalita ang kompanya kay Singson.
Parating lagapak si Pangulong Arroyo sa survey. Kung ang pagbabasehan ay ang resulta ng mga survey ng Pulse Asia, Social Weather Stations at Ibon, madali nang ikudeta ang pangulong hindi sikat at kinamumuhian. Bakit nariyan pa siya sa puwesto?
Hanggang ngayon ay hindi kami tinatanong ng anumang kompanya ng survey. Tinanong ka na ba? Nakuha mo ba ang pangalan ng nagtanong sa iyo? Nakita mo ba ang kanyang ID at naitala, o kundi’y naalala pa, ang kanyang pangalan?
Ang malalaking politiko na tumatakbo ngayon sa matataas na puwesto ay “subscriber” ng survey firms. Pag subscriber ka, malaking pera ang ibabayad mo (ganoon naman pala, pera-pera na naman). Pag wala kang pera, wala ka (ganoon naman talaga).
Kapag naglalabas ng resulta ang mga survey firms sa bansa, may mga nagtataasan agas ng kilay. Di makapaniwala. May puna agad sa survey firms. Bakit hindi ganito ang nagaganap sa mga survey firms sa Amerika? Transparent kasi sila, di tulad dito.
Noong bata pa ang martial law, hindi inilalabas ang mga resulta ng survey. Mismong si Marcos ay hindi naniniwala sa resulta ng survey dahil hindi naman talaga tinatanong ang Solid North. Puro Manila and Suburbs o Greater Manila Area lang.
Bakit ganoon? Ayaw nilang tanungin ang taumbayan? Ang tinatanong lang nila, kung totoo ito, ay yung tao lang ng bayan nila. Kung tao lang ng bayan nila ang kanilang tinatanong, sila-sila rin yun.
Kung hindi ka tinanong o natanong sa kanilang survey, di nakuha at di nila alam ang opinyon mo. At kung tatanungin nila kung nagugutom ka na ilang minuto bago mananghalian, siyempre ang sagot mo ay “Oo.” Lahat tayo ay gutom na sa mga oras na iyon.
Ah, kaya pala mas marami ang nagugutom ngayon.
BANDERA, 012910
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.