Ateneo, UST agawan sa UAAP Season 81 women’s volleyball crown
MAGSASALPUKAN ang Ateneo de Manila University Lady Eagles at University of Santo Tomas Golden Tigresses sa huling pagkakataon sa UAAP Season 81 women’s volleyball finals.
Puntirya ng UST Tigresses na maibalik ang titulo sa España habang asam rin ng Ateneo Lady Eagles na mauwi rin ito sa Katipunan sa kanilang alas-3 ng hapon na winner-take-all match Sabado ng hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Huling napanalunan ng UST ang kampeonato noong Season 72 habang nauwi ng Ateneo ang korona noong Season 77.
Umabot ang best-of-three matchup sa isang Game Three, na unang do-or-die finals match magmula noong Ateneo-La Salle title series noong 2016, matapos na manaig sa Game Two noong Miyerkules ang Lady Eagles.
Pinamunuan ng mga seniors na sina Bea de Leon at Maddie Madayag ang Ateneo na itinala ang 26-24, 14-25, 25-21, 25-13 panalo sa Game Two para itabla ang kanilang serye sa tig-isang panalo.
Nakauna ang UST sa kanilang championship series kung saan pinangunahan ni Season 81 Most Valuable Player Cherry Rondina ang Tigresses sa 25-17, 25-16, 25-20 pagwawagi kontra Lady Eagles noong nakaraang Sabado.
Umaasa naman si UST coach Kungfu Reyes na makakapaglaro ng maayos si Rookie of the Year Eya Laure matapos itong magtamo ng foot injury sa Game Two.
Ininda kasi ng mga Tigresses ang pagkawala ni Laure sa kaagahan ng ikatlong set na naging daan para madomina ng Lady Eagles ang laro sa ikatlo at ikaapat na set tungo sa pagsungkit ng krusyal na panalo sa Game Two.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.