Gagawa ng kasaysayan? | Bandera

Gagawa ng kasaysayan?

- January 29, 2010 - 12:30 PM

Lucky Shot by Barry Pascua

NASA huli raw ang pagsisisi! At ewan natin kung nagsisisi si Paul Asi Taulava matapos na matalo ang Coca-Cola Tigers sa Rain or Shine, 99-84, noong Miyerkules at tuluyang nagbakasyon sa PBA Philippine Cup. Bunga ng panalo ay umusad ang Elasto Painters sa best-of-five quarterfinal round kontra sa Purefoods Tender Juicy Giants. Bakit nagsisisi? Maaalala kasi natin na nagwagi ang Coca-Cola kontra sa Barako Bull, 91-89, noong Enero 20 kung saan si Taulava ang itinanghal na bayani matapos itong makapagbuslo ng jumper sa huling 1.8 segundo. Dahil sa panalong iyon ay natsugi ang Energy Boosters na siyang unang team na na-eliminate sa record na 3-15. Matapos ang laro ay sinabi ni Taulava na ang kanyang winning basket ay iniaalay niya sa dating kakamping si Mark Clemence Telan na ipinamigay ng Tigers sa Rain Or Shine bago nagsimula ang season. Birthday kasi ni Telan at magandang regalo ang pangyayaring nakarating ang Rain Or Shine sa wildcard phase nang walang playoff. Kung nagwagi kasi ang Barako Bull ay posibleng magtabla sila ng Rain Or Shine sa pagtatapos ng double round elims sa record na 4-14. Magkakaroon ng playoff at posibleng magwagi ang Energy Boosters dahil sa tinalo na nila ang Elasto Painters, 89-81, noong Oktubre 28. So posibleng hindi nakarating sa wildcard phase ang Rain Or Shine. Posibleng iba ang nakalaban ng Tigers at baka sila ngayon ang nasa quarterfinals. Posible. Pero hindi iyon ang itinadhana, e. Hindi ganoon ang naging pagtalbog at paggulong ng bola! Kung tutuusin, dapat ay hindi nasadlak sa wildcard phase ang Tigers kung hindi lang nagkaroon ng injury si Taulava na hindi nakapaglaro ng siyam na games. Puwede sana silang nakadiretso man lamang sa wildcard phase. Pero sa isang banda, malakas din naman ang Rain Or Shine at high hopes ang team owners nitong sina Raymond Yu at Terry Que matapos ang magandang build-up na noon pa’ng nakaraang season naumpisahan. Katunayan, parang ‘finishing touches” na nga lang ang inilagay nila sa kanilang koponan sa season na ito. Masagwa lang ang kanilang naging umpisa. At ngayon ay may tsansa ang Elasto Painters na makagawa ng kasaysayan sa PBA. Biruin mong ikasiyam sila sa eliminations pero buhay na buhay pa ang kanilang tsansang makarating sa semis kundi man sa Finals. Isa’t isa kasi ang laban sa quarterfinals. Iyon ang kagandahan ng wildcard phase. Kahit na ang pinakamababang team ay may pag-asa. Kasi knockout ang format. Pagandahan lang ng gising iyan! Pagandahan ng arangkada. Kaya nga wild! Ano naman kaya ang ireregalo ni Telan sa birthday ni Taulava sa March 2? Unang championship para sa Rain Or Shine?

BANDERA, 012910

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending