BUMABAGSAK na ang antas ng paglalaro ng mga atletang Pinoy sa mga international event kabilang na ang Southeast Asian Games at ito ay resulta ng kawalan ng katarungan, awayan at di pagkakaisa sa loob mismo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ang sentimyentong ibinahagi ni retired Lt. Gen. Charly Holganza, ang lead convenor ng Reform Philippine Sports movement sa ginanap na lingguhang Usapang Sports forum na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“Bumababa na ang performance natin sa sports. Sa Southeast Asian Games nga bumagsak na tayo sa sixth place,” sabi ni Holganza, na hindi miyembro ng anumang sports organization subalit isinusulong ang adbokasiyang magkaroon ng reporma sa Philippine sports.
“Marami ang nasasayang na energy sa agawan ng puwesto at awayan sa liderato kaya napababayaan na ang mga atleta. Ang purpose namin dito ay ang maibalik ang pride and dignity sa Philippine sports.”
Una na sa adyenda ng grupo ay ang pagbalik sa apat na sports association na inalis ng POC. These are the Philippine Bowling Congress (PBC), Table Tennis Association of the Philippines (TATAP), Philippine Volleyball Federation (PVF) at Philippine Dragon Boat Federation (PDBF).
Hangad din ng grupo na magkaroon ng pagbabago sa konstitusyon ng POC at pag-alis ng paboritismo at “bata-bata” mentality sa mga sports leaders.
Nakikiusap din sila sa POC na suriing mabuti ang lahat ng mga NSA (national sports association).
“Kapag walang ginagawa ang NSA para palakasin ang kanilang sports at kapag hindi na nananalo ito sa mga international tournaments, dapat palitan na ang leadership,” dagdag pa ni Holganza.
Bagamat sinuportahan ng grupo si Ricky Vargas nang tumakbo ito laban sa dating POC president na si Jose “Peping” Cojuangco Jr. dismayado sila sa POC na pinamumunuan ngayon ni Vargas dahil hindi pa rin naririnig ang kanilang mga karaingan.
“We thought that the needed reforms would finally be put in place. We thought that with his new direction, the problems of the divided communities will finally be resolved,” sabi pa ni Holganza.
“Unfortunately, it has been more than a year now, and the POC has not done anything about it. The membership committee under Mr. Robert Bachmann has not been able to resolve a single issue yet.”
Subalit hindi naman nawawalan ng pag-asa ang grupo kaya ipinararating na nila ang isyu para malaman ng publiko at dinggin ni Vargas ang panawagan nilang pagkaisahan ang Philippine sports at maalis ang korupsyon sa POC.”
“Because it is the right thing to do,” ani Holganza na nakasama rin sa forum sina PBC president Engr. Guillermo Mallillin, PDBF president Nyllressan Factolarin, Rhowie Enriquez ng PDBF at sina Francis De Leon at Red Molleda ng PBC..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.