KAMAKAILAN ay may nagpadala ng reklamo sa Talyer ukol sa mga tinawag niyang “ Diyos ng Lansangan.”
Ito ay isang insidente sa Bonifacio Global City sa Taguig kung saan napakahigpit ng mga traffic enforcer sa pagpapatupad ng batas trapiko.
Ayon sa reklamo sa atin ni V. Ventura, nakita niya ang isang napakagandang pulang Ferrari na biglang pumarada sa isang no parking zone sa may Burgos Circle sa BGC.
Bagama’t humanga siya sa ganda ng sasakyan, naawa siya sa may-ari dahil sigurado siyang mahahatak ng towing ang super car na ito. Ganito ang reputasyon ng BGC traffic sa mga lumalabag sa batas doon.
At bilang patunay, walang limang minuto ay may enforcer na dumating kasunod ang isang wrecker na handa nang hatakin ang magandang Ferrari.
Subalit nang ikinakabit na ang sportscar sa wrecker, biglang lumabas ang waiter ng restaurant na pinasukan ng may-ari at sumigaw ng “sandali at tatawagin ko ang may-ari!”
Saglit lang at lumabas ang waiter at sumigaw ulit ng “kay Atty. Flores po ng BCDA, kumakain lang!” Dito ay mabilis na umalagwa ang enforcer at wrecker na para bang nakahigop ng mainit na sabaw at napaso.
Ayon kay V. Ventura, biglang nawala ang napakataas na respeto niya sa mga enforcer ng BGC dahil meron din pala silang dini-diyos at hindi hinuhuli.
At ito ang sinasabi niyang dahilan kung bakit mahirap pasunurin ang mga drivers natin sa batas trapiko. Dahil may lantarang hinuhuli at hindi hinuhuli. May espesyal at may ordinaryo sa pagpapatupad ng batas.
Kung sana ay patas ang labanan, madali disiplanahin ang mamamayan. Pero hanggang may espesyal na trato, laging problema ang enforcement natin.
Para sa komento at suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.