Tony umamin: Nagnanakaw ako noon ng mga damit at pagkain
PANALO kaagad sa ratings game ang pagsisimula ng teleseryeng Sino Ang Maysala: Mea Culpa na nagtala ng 22.2% national TV rating last Monday base sa datos ng Kantar Media.
Maganda kasi ang trailer ng crime TV series ni Jodi Sta. Maria kasama sina Bela Padilla, Kit Thompson, Sandino Martin, Ketchup Eusebio, Ivana Alawi at Tony Labrusca mula sa Dreamscape Entertainment kaya talagang inabangan ng mga manonood.
Ang programang Love You Two nina Jennylyn Mercado at Gabby Concepcion na nakakuha ng 13.9% ang katapat ng Mea Culpa na idinirek nina Dan Villegas at Andoy Ranay.
Hindi lang sa telebisyon sinubaybayan ang programa nina Jodi dahil pati sa online ay nangunga rin sa hashtags na #SAMGabiNgKrimen at #SinoAngMaySala sa top trending topics ng Twitter.
Siyempre maganda ang ngiti ng Team Mea Culpa dahil hudyat ito na isa na namang Kapamilya series ang tututukan ng manonood.
Samantala, maraming ginulat si Tony sa panayam niya sa programang Tonight With Boy Abunda dahil walang takot niyang inamin na ilang beses siyang nagnakaw noong kabataan niya sa Canada dala ng matinding pangangailangan.
Ikinuwento ng aktor na nasubukan niyang mag-shoplift ng mga bagay na kailangan niya at hindi maibigay ng kanyang magulang.
Aniya, “Dati kung kailangan ko ng damit magnanakaw din ako sa store. Kung kailangan ko ng pagkain lahat ng feeling kong puwede kong nakawin ninanakaw ko.
“I don’t want to encourage you guys to do this because it’s wrong but at that point in my life I felt my parents couldn’t give me enough for me to survive through the week. I thought that the only way I’m going to eat today is if I steal,” kuwento ni Tony.
Naalala tuloy namin ang mga napapanood naming pelikula both foreign and local na may mga kuwentong mga bata na nagnanakaw para mabuhay sila o ang kanilang pamilya.
At nangyari ito sa buhay ng isang Tony Labrusca. Pero agad ding nilinaw ng aktor na hindi na siya ganu’n ngayon.
“Hindi na po ako nagnanakaw guys. Hindi po ako kleptomaniac!” pahayag ng binata.
Nakausap namin ang isang taong malapit sa aktor at sinabi nga nito na nangyari ang lahat noong bata pa si Tony at sa bansang kinalakihan nito ay normal sa mga kabataan doon ang dumadaan sa ganitong klase ng pagsubok lalo na kung hirap sa buhay.
Kaya pala masinop sa buhay ngayon si Tony at bawa’t sentimong kinikita niya ay iniipon niya at alam niya kung paano ito gagastusin dahil sobrang hirap pala ang dinaanan nito noong kabataan niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.