Taas-presyo ng kuryente dahil sa brownout iprinotesta
SA inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa pagpalya ng mga planta ng kuryente na nagresulta sa rotational brownout, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo sa tanggapan ng Manila Electric Company sa Kamuning, Quezon City.
Ayon kay Bayan Muna chairman Neri Colmenares taumbayan na ang naperhuwesyo ng brownout dahil sa magkakasabay na pagkasira ng planta ng kuryente na kinukuhanan ng Meralco tataasan pa ang singil.
“Kahit ngayong araw na sinasabi nila na normal na ang power situation ng Luzon grid the damage has been done ay siguradong lolobo na ang singil sa kuryente,” ani Colmenares. “Mukhang talagang pinagkakakitaan ng todo ang mga consumers.”
Duda si Colmenares na sinasadya ang sabay-sabay na pagkasira ng planta para tumaas ang presyo.
Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na dapat imbestigahan ang magkakasabay na pagkasira ng mga planta.
Mula noong 2012, magkakasabay umanong nasisira ang Sual power plant, Calaca power plant, Pagbilao power plant, at Malaya thermal power plant kapag tag-init.
“Why is it that they always have to break down at the same time when demand is highest?” tanong ni Zarate.
Sa halip na tumaas ang presyo, sinabi ni Zarate na dapat ay magbayad pa ang mga nasirang planta sa mga kustomer na nakaranas ng brownout “dahil kasalanan nila ang pagkasira ng mga plantang ito”.
Kinukuwestyon din ng Bayan Muna ang pass-on charges gaya ng missionary charges na dumadagdag sa bayarin at ang pitong power supply agreements na pinasok ng Meralco.
30
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.