MULA sa magulong mundo ng isports ay pumalaot sa mas magulong mundo ng pulitika sina Manny Lopez at Ali Atienza.
Walang dudang sa panahon ni Lopez nangyari ang ‘’golden years’’ ng Philippine amateur boxing at hindi rin naman maikakailang sa ilalim ng pamamahala ni Lopez ay naging matagumpay ang takbo ng isports sa bansa. Sa aking palagay, ito ay dahil alam ng anak ni dating Manila Mayor Mel Lopez ang pulso ng mga atleta.
Nagbigay ng karangalan sa bansa ang mga boxers ni Lopez sa Olympics (Onyok Velasco, Roel Velasco, Pol Serantes), Asian Games (Violito Payla, Joan Tipon, Reynaldo Galido, Onyok Velasco, Elias Recaido) at si Harry Tanamor sa World Championships. Si Lopez din ang chef de mission ng Pilipinas noong 2012 London Olympics.
Hindi siya takot ipagpalaban ang karapatan ng mga atleta at dahil sa kanyang karanasan ay alam niya ang pasikot-sikot sa mundong kanyang ginagalawan.
Kabilang sa mga sinasabing ‘‘Landmark Legislation’’ ni Lopez sa kanyang unang termino sa 17th Congress ang RA 10931, RA 11223, RA 11215, RA11058, RA 11214 at HB 7773 na hindi lang tungkol sa isports kundi sa kalusugan at Programang Pantawid Pamilyang Pilipino. Nanguna rin si Lopez sa pagsasabatas ng National Sports Training Center na may badyet na P3 bilyon.
Si Atienza ay anak din ng dating Manila Mayor at ngayo’y mambabatas na si Lito Atienza.
Kapwa nagmula sa isports sina Manny at Ali at may puso sa paninilbihan sa publiko.
Re-electionist si Manny sa unang distrito ng Manila samantalang sasabak sa ikalimang distrito si Atienza na dating hepe ng Manila Sports Council (MASCO) at dating Asian taekwondo champion.
Walang dudang serbisyo publiko ang nais ng dalawa at nararapat lamang na bumalik sa Kongreso si Lopez samantalang dapat mapasama sa hanay ng mga mambabatas si Atienza.
Hindi ako botante ng Maynila ngunit hindi dapat magkamali ang mga taga-una at ikalimang dDistrito at ilagay ang kanilang mga pangalan sa balota.
Nananalaytay sa kanilang mga ugat ang dugong isports at ito mismo ang mga bentahe nina Manny at Ali laban sa kani-kanilang mga kalaban. Hindi ba’t ang isports ay sumasalamin din sa ating buhay.
Maraming magagandang plano sina Manny at Ali para sa mga kabataan tulad ng pagpapatayo ng mga palaruan at hubugin sila para maging pambansang atleta sa hinaharap. Malaking bagay ang isports upang mailayo sa panganib ng droga at iba pang masamang bisyo ang mga kabataan.
Palaban ang dalawa na hindi rin naiwasang magbigay ng kani-kanilang mga salooobin sa hosting ng Pilipinas ng 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay Lopez, walang kapalit ang pag-angkin ng Pilipinas sa overall championship ng SEA Games sapagkat naniniwala siya sa kakayahan ng mga atletang Pinay at Pinoy.
‘‘I think we can win the overall title on the SEA Games again. I think it can be done basta lahat tayo sama-sama,’’ ani Lopez sa Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) noong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Suportado nga pala ng Philippine Sports Commission (PSC) at National Press Club (NPC) ang Usapang Sports. At isponsor na rin nito ang HG Guyabano Tea Leaf Drink at PAGCOR.
Pagkakaisa ang sigaw ni Lopez.
“In the SEA Games. we can’t be divided. We cant confront our enemies on a divided front. Iisa lang ang ating minimithi kaya dapat iisa lang ang ating gagawin na paghahanda. Hindi tayo mandaraya pero sigurado ko, mananalo tayo,” aniya.
Ito naman ang payo ni Ali: ‘‘Always aim for the gold. The attitude must be ‘it’s gold or nothing.’”
Diniin ni Atienza na hindi lang pisikal na aspeto ang mahalaga sa sports.
‘‘Kadalasan diyan mental. Kasi kapag feeling mo matatalo ka sa laban at hindi ka sigurado, e di huwag ka nang lumaban dahil tiyak na matatalo ka,’’ dagdag pa niya.
Kung magwawagi sa eleksyon ay nais ni Atienza na gawing undersecretary ng Department of Education (DepEd) ang chairman ng PSC.
‘‘The PSC chairman will have a dual function. Aside from heading the country’s sports arm, the chairman will also lead the sports program of DepEd in line with the grassroots program of the PSC,’’ sabi ni Ali.
“Ang problema kasi ngayon, walang continuity at kadalasan hindi naa-identify yung mga batang atleta na may potensyal sa Palarong Pambansa. If the PSC is involved, maa-identify na yung mga bata at mate-train ng maayos through PSC.”
May punto sina Manny at Ali. Malaki ang maitutulong ng sports sa paghubog sa kabataan at pagkakaisa ng sambayanan.
Panalo ang mga Manilenyo kina Lopez at Atienza!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.