ILANG araw na lang at matatapos na ang 2018-19 regular season ng National Basketball Association o NBA at susundan na ito ng salpukan ng 16 koponang uusad sa Playoffs.
Kumpleto na ang walong koponang papasok sa Western Conference Playoffs subalit puwestuhan na lang ang pag-uusapan lalo na sa sixth hanggang eighth spots.
Sa Eastern Conference ay pinagtatalunan pa ang huling tatlong puwesto dahil dikitan pa ang Brooklyn Nets, Orlando Magic at Detroit Pistons pati na ang naghahabol na Miami Heat at Charlotte Hornets.
Malalaman ngayong linggo kung sino sa mga koponang ito ang uusad sa East Playoffs.
Nasiguro naman ng defending champion Golden State Warriors ang No. 1 seed sa Western Conference habang ang Milwaukee Bucks ang nakahablot ng top seed sa Eastern Conference.
Inaasahan na magiging mahigpit na kalaban ng Warriors sa West ang kasalukuyang No. 3 seed na Houston Rockets na siguradong gigil na mabawian ang Golden State matapos na matalo sa Conference Finals noong isang taon.
Mangunguna pa rin para sa Rockets si All-Star guard at 2017-18 NBA Season Most Valuable player James Harden, na MVP contender pa rin ngayong season, na makakatuwang ang mas solidong starting roster at bench.
Hindi rin magpapaiwan sa West ang kasalukuyang No. 2 seed at Northwest Division titleholder Denver Nuggets na pangungunahan ng All-Star big man nitong si Nikola Jokic.
Aabangan din sa Playoffs ang Oklahoma City Thunder na pamumunuan ng mga All-Star players nitong sina Russell Westbrook, na tatapusin ang season na may triple-double average sa ikatlong sunod na taon, at Paul George, na inaasahang makakapasok sa All-NBA at Defensive Teams ngayong taon.
Magiging matinding karibal naman ng Bucks, na pamumunuan ni top season MVP contender at All-Star forward Giannis Antetokounmpo, sa Eastern Conference ang No. 2 seed at Atlantic Division titlist Toronto Raptors na pangungunahan ni All-Star forward at defensive specialist Kawhi Leonard.
Hindi rin puwedeng balewalain ang hamon na hatid ng kasalukuyang No. 3 seed sa East na Philadelphia 76ers na pinamumunuan ng mga All-Stars nitong sina Joel Embiid at Ben Simmons at sasamahan pa ng mas tumibay na starting lineup at bench.
Huwag din ietsapwera ang Boston Celtics na pangungunahan ni All-Star guard Kyrie Irving at mga dating All-Star na sina Al Horford at Gordon Hayward.
Posible namang manggulat sa Playoffs ang Indiana Pacers na maglalaro dito na wala ang All-Star guard na si Victor Oladipo bagamat nag-step ang mga maaasahan nitong starters at role players.
Sa West Playoffs ay puwedeng makapanggulat ang Utah Jazz at Los Angeles Clippers. Wala sa mga manlalaro nila ang naging All-Star ngayong season bagamat may mga mahuhusay at reliable silang players sa kanilang starting five at bench.
Kaya naman siguradong magiging kapanapanabik ang 2019 NBA Playoffs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.