Sylvia: Mahal na mahal talaga ni Arjo si Maine, ilalaban niya ‘yan!
Pinasalamatan nang bongga ni Sylvia Sanchez si Maine Mendoza dahil sa kabila ng paninira sa anak nitong si Arjo Atayde ay ipinagtanggol pa rin niya ito sa bashers at inaming nagdi-date nga sila ng aktor.
Nangyari ito sa TV guesting ng aktres sa Tonight With Boy Abunda nitong Lunes.
Ang sabi ni Ibyang, “Nasa top (itaas) ka, Maine Mendoza ka, hinahangaan ka grabe ‘yung career mo at alam natin na puwedeng maapektuhan ‘to, alam natin ‘yun pero nilaban mo ang anak ko. Nagsalita rin siya na ‘we’re exclusively dating,’ nagpapasalamat ako kasi ‘yun ang sinabi ng anak ko na sinegundahan niya.
“Ang dami kasing nagsasabing nangangarap lang ang anak ko, masakit ‘yun para sa isang nanay pero nu’ng sinabi ni Maine ‘yun na ‘yes exclusively dating kami’ masaya ako kasi hindi siya natakot at pinanindigan din niya ‘yung alam niyang tama,” aniya pa.
Noong magsimulang ma-link si Arjo kay Maine at nakatikim na ng masasakit na salita ay kinausap ni Sylvia ang anak, “Nag-usap lang kami. Tinanong ko si Arjo kung bakit niya nagustuhan si Maine, sabi niya, ‘swak kaming dalawa, nagkakaintindihan kami, napapatawa niya ‘ko.’ Mahal na mahal talaga ng anak ko si Maine, nakikita ko,” pagtatapat ng nanay ng aktor.
Si Arjo ang tipo ng lalaking hindi sumusuko kahit na anong mangyari, “Anak siya ng tatay (Art Atayde) niya. Ilalaban ni Arjo si Maine while in fact, inilaban na!” pag-amin ng aktres.
Sa ilang buwang “exclusively dating” status nina Arjo at Maine ay hindi pa raw nakikilala ng mga Atayde ang dalaga, “Hindi pa! Kasi ang busy si Maine, busy ako, busy si Arjo tapos ang gulu-gulo kaya sabi ko ‘sige pag okay na, pag relax na, then go!’
“Ang gusto kong ginawa ng anak ko, pumunta siya sa bahay (Sta. Maria, Bulacan) nina Maine, umakyat siya sa bahay which is dapat talaga. Ginagawa talaga ‘yan ng lalaki kasi gusto ko rin gawin din sa akin ng kahit na sinong manliligaw sa anak kong babae.
“So, maghihintay ako kay Arjo kung kailan niya gustong dalhin (sa bahay) si Maine. Sabi naman niya, ‘mom, soon, ipapakilala ko na siya sa inyo.’ Yun ang promise niya,” sabi ni Sylvia.
Samantala, mapapanood na ang bagong movie ni Ibyang na “Jesusa” sa Abril 6, entry ito sa 5th Sinag Maynila na idinirek ni Ronald Carballo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.