Aprub si GregZilla | Bandera

Aprub si GregZilla

Dennis Eroa - April 02, 2019 - 09:00 PM

 

HINDI nakapagtatakang palaging nasusulat sa pahayagan si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer na alam nating lahat na may bisyong magbulsa ng mga titulo sa PBA.
Bakit nga naman hindi?
Binalandra ni June Mar ang katawan upang umukit ng kasaysayan bilang unang manlalaro na nakakuha ng limang sunod na MVP sa liga. At huwag magtaka kung patuloy na mag-uuwi si The Kraken ng mga MVP award sa mga susunod na taon.
Ang kanyang sikreto?
Alam niya ang kahalagahan ng kanyang kakampi para sa ikatatagumpay ng koponan.
Pero hindi siya nag-iisa. May mga pumupuwesto na maagaw ang MVP title kay Fajardo.
Nasa itaas ng listahan, lalo na sa mga taga-Barangay, ang tubong Ohio ngunit Bisoy (Bisayang Tisoy) na si Greg ‘‘GregZilla’’ Slaughter.

Matindi ang nilalaro ni Slaughter sa season na ito at hindi maitatangging si GregZilla ay isang ‘‘silent but effective worker.’’
Bihirang makitang napipikon si Slaughter ngunit tiyak na ‘‘slaughtered’’ ang mga kalaban ng Ginebra tuwing nagpapatrulya sa ilalim ang dating pambato ng University of Visayas at Ateneo de Manila.
Marunong mag-Cebuano si Slaughter na ang mga magulang ay health physicists sa mga plantang nukleyar.

Sabi nga ng mga miron, ilista niyo na sa scoreboard kapag naibigay na ni Ironman LA Tenorio ang bola kay GregZilla sa ilalim ng ring. Kung titingnan ay tila malambot si Slaughter ngunit ito ay malayo sa katotohahan. Mahirap gibain sa depensa si Slaughter at tulad ni Fajardo ay matalas ang mga mata upang makita ang mga libreng kakampi.

Dahil sa kanyang husay at laki, pokus ang double team o triple team ng mga kalaban kay GregZilla ngunit dito lumalabas ang kanyang husay pumasa. Matalas ang kombinasyon nila ni Japeth Aguilar at malaking palaisipan sa mga coaches kung paano mapoposasan ang tambalang Slaughter-Aguilar.

Pero alam niyo ba na matagal na ang sagupaang Slaughter versus Fajardo.
Lumaro ang batang Compostela na si Fajardo sa University of Cebu habang namamayagpag si Slaughter sa University of Visayas sa CESAFI.
Ang pagkakaiba lang ay nakipagsapalaran si Slaughter sa UAAP kung saan binuhat niya ang Blue Eagles sa kampeonato sa ilalim ni coach Norman Black noong 2011 at 2012.

Noon pa man ay nakita na kay Slaughter ang ‘‘greatness’’ at hindi ito nakaligtas sa Ginebra na kinuha siya bilang numero unong draft pick noong 2013.

Walang epekto kay GregZilla kung palaging laman ng internet, diyaryo, atbp si Fajardo. Basta lalaro lang si Slaughter at susundin kung ano man ang gameplan ni coach Tim Cone. Epektibo at makinis ang estilo ni Slaughter at dahil dito ay siguradong malayo pa ang mararating ni GregZilla.

Aprub ka, GregZilla!
Languyan, may pag-asa

Marami nang masasakit at maaanghang na salita ang nabitawan sa mundo ng Philippine swimming. Maraming puso (lalo na sa mga magulang) ang nasawi at mga relasyon na umasim dahil sa bangayan ng dalawang malaking grupo sa swimming sa bansa.
Maraming personalidad na ang sumawsaw sa mga isyung nagpapabagsak sa kakayahan ng mga manlalangoy na iangat at ibalik ang dating kislap ng Philippine swimming.

Maging ang mga mamamahayag ay nagbigay ng mga komento at suhestiyon kung paano tatapusin ang away sa pagitan ng Philippine Swimming League (PSL) at Philippine Swimming Inc. (PSI) ngunit tila walang katapusan ang gulo katulad ng nakababagot na trapik sa EDSA.

Ngunit sabi nga ay wag tayong mawalan ng pananampalataya sa kakayahan ng mga Pilipino na umangat at makita ang kayamanan sa dulo ng bahaghari at, sige na nga, liwanag sa dulo ng lagusan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ganito ang pahayag ni Joan Cacho-Mojdeh na direktor ng PSL sa ilalim ni Susan Papa: ‘‘Excited for greater things to come in the future. It has been a journey with so many roadblocks though it was tough, but at least we still have found the way. We know that in the end peace and unity is the only solution to everything. Thank you so much coach Susan Papa for blessing and supporting us all throughout. And thank you Ms Lailani Velasco and PSI for welcoming us with open arms despite all that negativity that surrounded all of us in the past. Now that we have finally met, you have shown us your deep love for swimming and for that we really appreciate it so much. We continue to pray that happiness and positivity be spread among everyone in the swimming community. God bless everyone!’’

Isa ako sa mga nananalangin na nawa’y matapos na ang alitang ito. Forgive and forget, peeps. Pagpapatawad at paglimot na may halong respeto sa panahon ng Semana Santa. Kaugnay nito, nais kong humingi ng milagro sa Poong Maykapal na pagalingin ang karamdaman ni Coach Susan na walang inisip kundi ang kapakanan ng mga atleta.
Mabuhay ang mga manlalangoy!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending