DLSU Lady Spikers nagsolo sa No. 2 matapos bawian ang UST Tigresses
NAKAGANTI ang three-time defending champion De La Salle University Lady Spikers sa University of Santo Tomas Tigresses matapos itala ang 21-25, 25-23, 25-19, 26-24 panalo at masolo ang ikalawang puwesto sa UAAP Season 81 women’s volleyball Linggo sa SM Mall of Asia Arena.
Kumana si Desiree Cheng ng career-best 20 puntos habang si Aduke Ogunsanya ay nag-ambag ng 12 puntos para sa Lady Spikers na nahablot ang ikapitong panalo sa 10 laro.
Ito rin ang ikalawang sunod na panalo ng La Salle at nakabawi rin sila sa straight set na pagkatalo sa UST sa first round.
Namuno naman para sa UST, na nalasap ang ikaapat na pagkatalo sa 10 laro, si Eya Laure na may 21 puntos habang si Sisi Rondina ay nagdagdag ng 19 puntos.
Sa unang laro, dinaig ng National University Lady Bulldogs ang Adamson University Lady Falcons, 28-26, 30-32, 25-21, 25-22.
Nanguna para sa Lady Bulldogs si Roselyn Doria na may 18 puntos habang si Princess Robles ay may 14 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.