NGAYONG buwan ng kababaihan, nagbabalik ang multi-talented star na si Janella Salvador sa recording, handog ang empowering single na may titulong “Take It Easy” mula sa Star Music.
Tampok ang chill vibes at pop beats, ipinapaalaala ng “Take It Easy” sa mga makikinig—lalo na sa mga kababaihan—na manatiling totoo sa sarili, at huwag hahayaan ang pagkumpara sa ibang tao.
“Na-in love ako agad sa kanta. Hindi siya yung typical love song. Mahal ko yung love songs, pero para maiba naman, gusto ko maging inspirational yung unang single ko. Pero modern pa rin, tipong pakikinggan mo pa rin. Masaya ako na maganda yung mensahe ng kanta,” kuwento ni Janella.
Ang awiting likha ng composer na si Anton Juarez ang magmamarka sa pinakahihintay na pagbabalik ni Janella sa music scene at inaasahan pa ang karagdagan dito ngayong 2019.
Unang sumabak sa mundo ng musika ang singer/actress bilang Himig Handog 2014 interpreter para sa kantang “Mahal Kita Pero” na isinulat ni Bobbie Mabilog at nanalo bilang 3rd Best Song. Ang kanyang mga bersyon ng “Kapag Tumibok ang Puso” at “I Can” ay naging patok sa publiko; umabot na rin ng Platinum record award ang kanyang self-titled debut album sa ilalim ng Star Music.
Unang nilabas ang “Take It Easy” sa iTunes at Apple Music, na umabot na sa Apple Flowcase sa iba’t ibang bansa ng Southeast Asia tulad ng Singapore, Vietnam, Indonesia, Malaysia, Thailand at Pilipinas nitong Marso 15.
Pakinggan ang comeback singe ni Janella na “Take It Easy” sa Spotify, Apple Music, at iba pang digital stores simula March 22, at panoorin ang music video nito sa MYX Philippines at YouTube channel ng Star Music sa Marso 29.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.