ANO’NG petsa na pero wala pa rin ang 2019 budget ng national government?
Kamakalawa ay ipinadala na ng Kamara de Representantes ang printed copy ng budget sa Senado upang pirmahan ni Senate President Tito Sotto III. Kung hindi pipirmahan ni Sotto ay hindi ito maipadadala sa Malacanang para mapirmahan ni Pangulong Duterte (syempre).
Kung tutuusin ay pasok pa naman sa target na maipasa ang budget sa first quarter ng taon, para ang reenacted ay ang unang tatlong buwan.
Ang napag-uusapan lang ay ang bangayan ng mga kongresista at senador kaugnay ng mga pondo na mapupunta sa mga distrito.
Gaya ng napagkasunduan sa bicameral conference committee meeting, nagsumite ng mga proyekto ang mga kongresista at senador para maging itemized ang mga nakita nilang lump sum fund.
Ang mga kongresista naglagay ng mga proyekto na kailangang mapondohan sa kanilang distrito. Agad silang matutukoy dahil syempre sa distrito nila ilalagay ang proyekto nila.
Pagkatapos maratipika ang budget ay tsaka rin nagsumite ang mga senador ng listahan ng mga proyekto na gusto nilang pondohan. Pero hindi gaya ng mga kongresista, hindi kasama sa listahang ginawa ng mga senador kung sino sa kanila ang naglagay ng pondong ito.
At saan nga naman babagsak ang mga proyektong ito, eh di sa distrito rin ng mga kongresista. Unless parang pork barrel scam yan na sa bogus na non-government organization at sa bulsa lang nila mapupunta.
Ang pinagtatalunang pondo ng mga senador at kongresista ay 3 porsyento lang ng P3.757 trilyong budget ng taon. Ang hindi nakikita ng marami ay ang nagiging epekto nito sa 97 porsyento.
Isa sa tinatamaan ay ang mga proyekto sa Build Build Build projects na siyang maipagmamalaki ng Malacanang upang maenganyo ang mga botante sa 2022 presidential elections na ang kanilang manok ang iboto.
Nakasandal sa mga proyektong ito ang panalo ng kandidato ng administrasyon.
Kamakailan ay napaulat na delayed ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit 3. Dahil hindi pa naipapasa ang budget ay wala pa ang pondo na pambili ng mga spare parts. Buti na lang at napakiusapan ng Department of Transportation ang Sumitomo-Mitsubishi na umorder na ang piyesa kahit wala pa ang pondo para dumating na ang mga ito sa Hunyo at Hulyo
Kasama rin sa budget ngayong taon ang P1.5 bilyong pondo para sa pagsisimula ng Metro Manila Subway. Bagamat uutangin sa Japan ang panggastos sa proyekto, mayroong counterpart fund mula sa gobyerno.
Inanunsyo na rin ng DoTr ang pagsisimula ng paggawa sa LRT 1 Cavite Extension at ang mga proyekto ng Philippine National railway para umabot sa Clark ang tren mula sa Maynila.
Magiging mahalaga ang mga proyektong ito sa eleksyon sa 2022 dahil ito ay bahagi ng magiging batayan ng mga botante kung iboboto ang mamanukin ni Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.