Pawardi-wardi ang pakikipagbarilan ng NBI kay Ivler | Bandera

Pawardi-wardi ang pakikipagbarilan ng NBI kay Ivler

- January 25, 2010 - 10:27 AM

“Target ni Tulfo” ni Mon Tulfo

PARANG sine ang naganap sa tahanan ng ina ni Jason Ivler, suspect sa pagpatay sa anak ng isang mataas na opisyal ng gobiyerno, nang makipagbarilan ang mga tauhan ng NBI sa suspect. Kitang-kita ng taumbayan sa TV news ang palitan ng putok ng mga alagad ng batas at ni Ivler. Daig pa nga ang sine dahil ang barilan ay totohanan, walang script. Dinig ang hiyawan at putok ng mga baril. Nakita ng mga nanonood ng TV news kung paano makipagbarilan ang mga NBI agents.

* * *

Nakausap ko ang ilang miyembro ng Philippine Practical Shooting Association (PPSA), isang grupo ng mga gun enthusiasts na ginagawang sport combat shooting. Hindi maganda ang kanilang comment sa mga NBI agents na nakipagbarilan kay Ivler. Parang patsamba-tsamba lang daw ang pagbaril ng mga NBI agents, sabi ng isang PPSA member. Halatang hindi raw sanay sa pagpapaputok ang mga NBI dahil hindi nila tinitingnan ang kanilang binabaril, sabi naman ng isa pang PPSA member. Ganoon din ang napansin ng inyong lingkod. Napansin ko na walang coordination ang mga ahente sa isa’t isa sa pakikipagbarilan kay Ivler. Wala silang sinusunod na lider na dapat ay nag-uutos sa kanila kung saan pupuwesto at saan itutuon ang kanilang volley of fire. Parang kanya-kanya sila ng pagputok at wala silang pakialam na baka makatama sila ng kanilang kasamahan. Mabuti at isa lang ang kanilang kalaban; kung naging marami ang kalaban, baka tinamaan ng mga ahente ang isa’t isa.

* * *

But let me add that ibang iba ang combat shooting sa firing range at iba ang combat shooting sa tunay na buhay. Sa firing range, ang isang paper target ay hindi gumaganti ng putok. Hindi makokompara ang papel na target sa isang kalaban na may hawak din na baril at gumaganti ng putok. Pero dapat ay pinag-aaralan ng NBI—at maging ng mga pulis—ang possible combat scenarios o yung mga posibleng mangyari na putukan. At kung bihasa ang mga NBI sa mga possible combat scenarios at nag-aral sila sa pagbaril sa shooting range, alam nila ang kanilang gagawin kapag nakipagbarilan sila. Noong ako’y police reporter pa na assigned sa Western (Manila) Police District, hindi kaila sa akin ang balita na isang pulis ang natamaan ng ligaw na bala galing sa baril ng kanyang kasamahang pulis sa pakikipagbarilan sa mga kriminal. Bakit ganoon? Dahil walang training ang mga pulis sa barilan. Gaya rin ang mga NBI sa mga pulis na walang firearms training. Binubulsa kasi ng mga matataas na opisyal sa Philippine National Police (PNP) at NBI ang pera na para ibili ng mga bala. Matapos ang graduation ng isang police rookie o NBI agent sa Police o NBI Academy , siya na ang bahalang bumili ng bala para magpraktis sa firing range. Sa Academy, binibigyan lang siya ng ilang bala upang magpraktis ng pagpapaputok. Yun lang. Pero dapat sana ay palagian ang pagpraktis ng pulis at NBI agent sa baril dahil meron namang budget na nilalaan para sa target practice. Kaya lang binubulsa nga ang budget para sa mga bala. Noong panahon daw ni Col. Jose Lucban bilang director ng NBI, lahat ng ahente ay magaling sa paghawak ng baril at martial arts. Pinipilit daw ni Lucban na magpraktis sa firing range at sa gym ang NBI agents. Kapag hindi raw tumama sa target ang isang NBI agent dahil bihira siya nagpapraktis sa pagbaril, wini-withhold ni Director Lucban ang kanyang suweldo. Tatanggap na lang ng suweldo ang isang ahente kapag tumama na siya sa target at marunong na siyang magboksing at mag-judo. Siyempre, sagana sa bala ang mga NBI agents dahil hindi ibinubulsa ni Lucban ang budget.

BANDERA, 012410

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending