Arnell nawalan ng panahon sa sarili at pamilya dahil sa OWWA
MAKAKASAMA namin ngayong tanghali ni Manay Lolit Solis sa “Take It… Per Minute” ang katatapos pa lang magbitiw bilang deputy administrator ng OWWA na si Arnell Ignacio.
Kailangan nang magdesisyon ng magaling na komedyante-TV host para sa kanyang sariling buhay, lalo na’t may dinaramdam ngayon ang kanyang ama, wala na siyang oras na kayang ibigay sa kanyang pamilya kapag nagpatuloy pa rin siyang magtatrabaho sa ahensiya ng gobyerno.
Naalala pa namin ang kuwento ni Arnelli, “Ang sasakyan ko, e, puwedeng tumakbo nang tatlo lang ang gulong, pero hindi ako puwedeng umalis ng bahay na hindi ko dala-dala ang passport ko at isang maletang damit.
“Kailangang ganu’n, dahil bigla na lang akong pinabibiyahe papunta sa kung saan-saan, kailangan kong ayusin ang problema ng mga kababayan natin sa ibang bansa.
“So, kailangang naka-ready dapat palagi ang passport ko, ang mga personal kong gamit, para kapag pinalipad ako sa ibang bansa, e, meron naman akong maisuot habang nandu’n ako,” kuwento ng TV host.
Maraming dahilan kung bakit kailangan na niyang magbitiw sa OWWA. Hindi lang ang pagkakasakit ng kanyang ama ang kailangan niyang bigyan ng importansiya, may anak din siyang nangangailangan ng paggabay, nandiyan din ang kanilang negosyo na dapat niyang bigyan ng panahon.
Ngayong tanghali sa Take It… Per Minute magbubukas ng kanyang damdamin si Arnel Ignacio.
Sinsero siyang naglingkod sa dalawang opisina ng pamahalaan, sa PAGCOR at sa OWWA, pero hindi niya naman maaaring pabayaan ang kanyang personal na buhay at mga taong nangangailangan ng kanyang panahon at pagpapahalaga.
Kitakits!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.