Angel nag-sorry sa mga katrabaho sa teleserye ng ABS: Pasensya na sa abala
NAG-RESUME na ng taping si Angel Locsin para sa TV series niyang The General’s Daughter matapos mapabalita ang pagwo-walkout niya sa set last week.
Kinumpirma ito ni JC de Vera na kabilang sa cast pero itinanggi niyang siya ang kaeksena ni Angel nu’ng nag-walk out umano ang aktres.
“Hindi ako ang kaeksena ni Angel that day. Lahat ng tao sa set namin kapag tatanungin ninyo, iisa lang ang sasabihin, ‘Tulog si JC!’” pahayag ng aktor nang makausap ng ilang member ng entertainment press last Tuesday.
“Hindi ko siya kaeksena that day kaya ako nakatulog. Wala kaming eksena,” dagdag ng aktor.
Hindi raw walkout ang naganap sa taping nila, “Nu’ng nagising ako, hindi na rin ako masyadong nagtanong coz everyone was silent then. Kumbaga, hindi siya dapat pagtsismisan at hindi na dapat pag-usapan.
“Bilang malaki ang respeto namin kay Angel, walang gustong magtanong what really happened. But nag-send siya ng text message sa lahat saying she’s sorry. ‘Pasensiya na sa abala.’
“I replied personally. Sabi ko, ‘Okay lang. I understand kung anuman ang nangyari.’ Malaking misunderstanding siguro ‘yon. Pero tulog ako noon!” diin pa ng aktor.
Totoo ba na palasigaw sa set ang direktor nilang si Manny Palo? “Well, ang masasabi ko riyan, hindi madaling i-mount ang mga eksena namin. Every scene that we do, mahirap talaga. Hindi natin maiiwasan na lahat nagiging emotional. Nai-stress, everyone’s working under pressure. Mahirap, mahirap gawin ang palabas,” saad ni JC.
Eh, madalas malayo ang location ng taping and at that time, nasa Batangas sila.
“Normal naman na tumataas ang emosyon dahil sa stress at sa pagod,” rason ng aktor.
Pero inulit niya na nag-report na uli sa taping si Angel.
“Yeah, after that day, the following taping day nandoon na siya. Okay naman. She’s fit to work. Nu’ng day na ‘yon, lahat ng eksena, siya. Nagawa namin nang maayos. Nasa normal ang emosyon ng mga tao!” lahad pa ni JC.
Kumusta bang katrabaho si Angel? Wala bang diva attitude? “Si Angel, isa siya sa napaka-humble na superstars na nakatrabaho ko! Totoo ‘yon!” deklara niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.