Krusyal na panalo habol ng PH 5 vs Kazakhstan
MAKUHA ang krusyal na panalo ang hangad ng Philippine men’s basketball squad ngayong gabi sa pagsagupa nito sa Kazakhstan sa huling window ng 2019 FIBA World Cup Asian qualifiers.
Makakaharap ng Pilipinas ang Kazakhstan ganap na alas-10:30 ng gabi (PH time) sa laro na gaganapin sa Astana Stadium.
Gagamitin naman ni Team Pilipinas coach Joseller “Yeng” Guiao para sa laro kontra Kazakhstan ang 12-man lineup na binubuo nina Japeth Aguilar, Mark Barroca, Jayson Castro, John Paul Erram, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Paul Lee, Gabe Norwood, Troy Rosario, Roger Pogoy, Thirdy Ravena at ang naturalized player na si Andray Blatche.
Kinakailangan naman na manalo ng Pilipinas (7-5) kontra Kazakhstan para mapalakas ang tsansa nitong makabalik sa FIBA World Cup subalit nakasalalay pa rin ito sa magiging resulta ng mga laro ng mga kagrupong Japan (7-4) at Iran (7-4) sa Group F at maging ng China (6-5), Jordan (6-5) at Lebanon (6-5) sa Group E.
Ang Pilipinas ay magmumula naman sa 84-46 panalo kontra Qatar noong Biyernes ng madaling araw kung saan nagpamalas ng mahusay na paglalaro si Blatche.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.