Krusyal na panalo habol ng PH 5 kontra Kazakhstan
HINDI na puwedeng magpatalo ang Team Pilipinas sa mga susunod na laro nito sa 2019 FIBA World Cup qualifiers.
Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto sa Group F sa hawak na 5-3 karta, makakasagupa ng Team Pilipinas ang mapanganib na Kazakhstan alas-7:30 ng gabi Biyernes sa Mall of Asia Arena sa ikalimang window ng FIBA World Cup Asian qualifier.
Nangunguna sa grupo ang Australia sa 7-1 kartada kasunod ang Iran na tangan ang 6-2 record.
Nasa ikaapat at ikalimang puwesto naman ang Japan (4-4) at Kazakhstan (3-5). Nangungulelat naman ang Qatar sa 2-6 record.
Kung matatalo sa Kazakhstan ngayong Biyernes ng gabi at Iran sa pareho ring oras at venue sa Lunes, magkakaroon ng pag-asa ang Japan o Kazakhstan na maagaw ang No. 3 spot sa Pilipinas.
Kabilang sa PH 5 roster kontra sa mga Kazakh sina June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Beau Belga, Japeth Aguilar, Poy Erram, Gabe Norwood, Matthew Wright, Marcio Lassiter, Scottie Thompson, LA Tenorio, Alex Cabagnot at Stanley Pringle, na magsisilbing naturalized player ng bansa sa nasabing laro.
Gagamitin naman ng Team Pilipinas si Christian Standhardinger bilang naturalized cager sa laro nito kontra Iran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.