Tutubi, bubuyog, paru-paro | Bandera

Tutubi, bubuyog, paru-paro

Lito Bautista - February 22, 2019 - 12:10 AM

PINAGSISISIHAN ang pagpapaluklok sa masasamang lider. Tulad ng paglipol sa 40 araw na baha, bilang kawangis ng banal, may paraan para alisin ang mga suwail sa gobyerno. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Gen 6:5-8, 7:1-5, 10; Sal 29:1-4, 9-10; Mc 8:14-21) sa Martes sa ika-6 na linggo ng taon.

Malinaw na, kung sinu-sino ang tapat na mga kandidato at siman (si manloloko) sa kanilang pagmamalinis na lumalabas sa maruruming bunganga. Kung hindi dadayain muli ng Comelec at Smartmatic ang halalan, may kapangyarihan ang taumbayan na lipulin (salitang gamit ng Genesis noon; at talinhaga ngayon) ang masasama sa pamamagitan ng halalan.

Sa Genesis, walang itinirang masasama (nilunod sila; masakit na kamatayan). Nagsisi sila pagkalipas ng pitong araw na ulan, pero di nakinig ang Panginoon. Gumamit man sila ng Ariel ni Kris, maiiwan pa rin ang dumi at mantsa ng kasamaan. Bakit ayaw isoli ang ipinasosoli kay Cesar ng Sandiganbayan? Sa divino, ang dinambong ay dinambong.

Ako’y nakapamili na; at wala akong napili. Nais ko ang kandidatong nagsisimba tuwing Linggo; kung maaari ay walang patlang dahil meron namang anticipated Mass sa Sabado, minsan ay dalawa pa, para matugunan ang pagsisimba sa Linggo. Lumalabag sa Ikatlong Utos ng Diyos at Catechism of the Catholic Church 2181 ang di nagsisimba tuwing Linggo. Kung di tinutugon ang tungkuling espirituwal, lalong di tutugon sa pangangailangan ng taumbayan.

Binastos ni Digong ang Diyos. Si Sara ay humihingi ng kaalaman at gabay ng divino. “Running for president is not an overnight decision. It needs money, machinery, but the most important thing is wisdom and guidance from the Lord because it will be difficult if it’s not intended for you,” ani Sara. Kahalintulad nina Santa Monica at anak na si Agustin, na naging santo at doctor ng simbahan nang magsisi at magbago.

Ikinatutuwa ng mga pari’t layko sa teritoryo ng Diocese of Malolos ang pagpapatawag ni Pope Francis ng summit para talakayin (at maging bukas) ang abusong sekswal ng mga kleriko. Ang summit ay magiging ulat kaalaman/kaliwanagan para sa matagal nang inililihim at pinagtatakpang kabuktutan. Managot sa batas ng Diyos at ni Cesar ang nagkasala. Sa Pagpapahayag ng Pagpapala (Beatitudes), ang hustisya ay iginagawad sa api. Napakahirap sundin ang utos ng Santo Padre: kausapin ng mga pari’t obispo ang kanilang mga biktima. Nakabawi si Pope Francis sa napipintong pagpapatalsik sa kanya.

Meron pa bang tutubi, bubuyog at paru-paro sa paligid ng bahay mo? Mula sa aking sinilangang Gastambide, Maynila, nasa tabi na ako ng Aurora ngayon at ilang taon na lang ay palisan na ng Bulacan. Nais kong umaaligid ang tutubi, bubuyog at paru-paro, lalo na ang mariposa; at sa gabi’y alitaptap. Ang tutubi ang aking batayan ng paraisong paligid. Namamatay na sila sa Bulacan. Tutubi, tutubi huwag kang pahuhuli sa batang… Tutubi, tutubi pinapatay ng dumi.

Sa 45 taon ng pamamahayag (di kasama ang campus journ; bilang editor ng mag at newslet ng unibersidad, first year/first sem pa lang), nakakintal sa isipan na huwag babanatan sa pagsusulat ng balita ang pribadong mamamayan. Sa binanatang taga-gobyerno, libelo o/at death threat lang ang iuuwi. Karangalan ang maidemanda ng libelo. Sa 89 kaso, di ko isinigaw ang pagsikil sa kalayaan, kundi panggigipit ng mayayaman at nasa poder. Death threat? Lumaban, kahit buliLit(o).

UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan): Tila dumarami ang mga senior na nasisigawan, o sinisigawan, ng kanilang mga anak. Kapag ito’y nakikita ng mga apo, nakikisigaw na rin ang mga bata dahil ang maling ginagawa ng magulang ay tama sa paningin ng anak. May hibla pa ba ng moralidad sa bansang kilala noon sa pagiging magalang sa matatanda?

PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Tibag, Baliwag, Bulacan): Uso na yata ang annulment sa mga may kaya o maperang di rito naninirahan. Ang engrandeng kasal ay nauwi sa hiwalayang tila nagpalit lang ng pang-ibaba. Noong ’60s, na wala pang annulment, ang hiwalayan ay pinakaiingatang tsismis. Ngayon, ipinagmamalaki pa ito at simbolo-estado na.

PANALANGIN: Panginoon, iligtas mo kami sa masasamang politiko, lalo na ang hindi tumatawag sa Iyo at nagsisimba.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

MULA sa bayan (0916-5401958): Kailan ba ang next hearing ni Trillanes dito? …5116, Barangay 10-A, Davao City.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending