Barbie kay Mika: Siya ‘yung tipo ng taong walang bahid ng kashowbizan sa katawan
MAS naging close pa sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz dahil sa pinakabagong primetime series ng GMA, ang pinag-uusapan at laging trending na Kara Mia.
Ayon sa dalawang Kapuso stars, parang tunay na magsisteraka na talaga ang turingan nila sa isa’t isa mula nang tanggapin nila ang Kara Mia na magsisimula na sa ngayong darating na Lunes sa GMA Telebabad.
Ayon kina Barbie at Mika imposibleng magkaroon ng rivalry issue sa pagitan nila dahil sa nabuong espesyal na relasyon sa kanila bilang mag-BFF. Hindi kasi naiiwasan paminsan-minsan na nagkakaroon ng totohanang away o issue ang dalawang bida ng serye.
“Si Mika yung tipo ng tao na walang bahid ng showbiz sa katawan. Napakatotoong tao niya. Alam niyo naman ako. So, pag ganun ang tao sa akin, mahal ko talaga. Alam kong, ‘Ay! Magiging kaibigan ko ‘to!'” chika ni Barbie nang makachikahan ng entertainment reporters sa nakaraang mediacon ng Kara Mia.
Sey naman ni Mika, “Si Barbie, para siyang ate ko. Grabe siyang maasikaso, maalaga, magkasundo kami.
Maraming bagay na magkaparehas kami, pero may mga bagay na may kanya-kanya din kaming gusto.”
Kuwento pa ni Mika, nasa level na sila ngayon na nagsasabihan ng sikreto na parang tunay na magkapatid, “Kapag nag-regional (show) kami at magkasama kami sa kuwarto, grabe! Ilang good night na kami, maya-maya may naaalala siya, kuwentuhan uli.
“Umabot kami ng alas-tres ng madaling-araw, gising pa rin siya. Iba na yung bonding namin, e. Para kaming magkapatid na bata,” aniya pa.
Kung minsan nga raw ay “nagseselos” na ang boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto sa sobrang closeness nina Kara at Mia,”Hindi ko alam kung kailangan ko na rin bang magselos, kasi pag magkasama sila, sila lang talaga. Pareho silang may bakod na sila lang nagkakaintindihan.
“Kapag lumapit ka, hindi mo sila madistorbo, kasi pareho silang may girl stuff,” chika ni Jak na kasama rin sa Kara Mia bilang ka-loveteam ni Barbie.
Magsisimula na sa Feb. 18 ang Kara Mia sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras. Ito ang papalit sa magtatapos nang Cain At Abel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.