Bakbakan sa Laguna: rebelde patay, NPA camp nabawi
PATAY ang isang hinihinalang kasapi ng New People’s Army at nabawi ang pinagkutaan ng rebeldeng grupo nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan sa Luisiana, Laguna, Huwebes.
Narekober ang bangkay ng di pa kilalang rebelde matapos ang dalawang magkasunod na engkuwentro, sabi ni Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, commander ng Army 202nd Brigade.
“Ito ‘yung mga nagsunog sa Infanta,” ani Burgos, patukoy sa panununog kamakailan sa heavy equipment na ginagamit para sa pagpapatayo ng gobyerno sa Kaliwa Dam sa naturang bayan ng Quezon.
Ang naturang dam, na nagkakahalaga ng halos P19 bilyon, ay inaasahan ng gobyerno na makatutulong sa pagsu-suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Sumiklab ang sagupaan sa Sitio Pinamintian, Brgy. San Buenaventura, pasado alas-9.
Aabot sa 20 rebelde ang nakasagupa ng mga miyembro ng 1st Infantry Battalion, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Nakubkob ng mga kawal ang pinagkutaan ng mga rebelde, kung saan narekober ang isang bangkay, dalawang magazine ng M16 rifle, mga gamit panggawa ng improvised na bomba, mga tolda, at cellphone, ayon sa ulat.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y patuloy ang pagtugis ng mga kawal sa iba pang rebelde.
Inatasan naman ang mga alagad ng batas sa mga bayan ng Luisiana, Lucban, at Sampaloc na magsagawa ng checkpoint para maharang ang mga rebelde, ayon sa pulisya. (John Ros
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.