NASAWI ang isang barangay chairman ng Pili, Camarines Sur, matapos saksakin ng lasing na lalaking kanyang inawat sa panggugulo, Sabado ng madaling-araw.
Itinakbo pa sa ospital si Daniel Bismonte, chairman ng Brgy. Tinangis, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Naganap ang insidente sa Zone 1B, Upper Lampog, ng Tinangis, dakong alas-12:20.
Pinapayapa noon ng 59-anyos na si Bismonte ang di kilalang lalaki, na nanggugulo’t may dalang patalim habang lasing.
Sa kasagsagan nito’y biglang sinaksak ng lalaki ang leeg ng chairman, ayon sa pulisya.
Dinala si Bismonte ng kanyang mga tanod sa ospital ng Army 9th Infantry Division, pero idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Pinaghahanap pa ng lokal na pulisya ang suspek, na mabilis tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.