Jao Mapa kinarir ang pagpipinta, teacher na sa IS
Alam naming may pinagpalang kamay ang dating teen actor na si Jao Mapa sa pagpipinta. Sa UST siya nagtapos ng Fine Arts.
Pero hindi nagkukrus ang aming landas, mahabang panahon muna ang nakalipas nang muli kaming magkita sa aming gallery, maraming salamat kay anak-anakang Reggee Bonoan na nagbigay sa kanya ng aming numero.
Madalas pala silang magkakasama ngayon ng mga kilalang pintor ng Angono, Rizal. Nakapag-exhibit na sila, na masusundan pa, du’n siya sinabihan ng pintor naming si Bobet Andres na pumasyal siya sa aming gallery.
Sa unang pagte-text pa lang ni Jao Mapa sa amin ay ramdam na namin agad ang dati pa rin niyang ugali na marespeto. Walang kayabang-yabang. Kahit pa meron na rin naman siyang maipagmamalaki bilang magaling na aktor.
Nagdala ng kanyang mga obra si Jao Mapa. Iba-ibang medium ang kanyang ginagamit, napapanahon ang kanyang mga paksa, alam mong mahal na mahal niya ang kanyang trabaho.
Nagtuturo siya ngayon sa International School, marami siyang estudyanteng anak ng mga diplomat na nahihilig sa pagpipinta, sa kanyang pagkukuwento ay halatadong ine-enjoy ni Jao ang bago niyang mundo kasama ang mga batang mapagpahalaga sa sining.
Nanghihinayang lang kami dahil hindi siya masyadong napapanood ngayon sa mga serye, sa talentong meron si Jao Mapa sa pag-arte ay marami siyang pakakainin ng alikabok, pero ayon sa aktor-pintor ay hindi naman siya nagmamadali.
Pagkatapos naming magkuwentuhan nang ilang oras ay hindi matapus-tapos ang pasasalamat ni Jao Mapa sa aming mga kasama sa Obra Ni Nanay. Wala pa rin siyang pagbabago, mukhang suplado lang siya sa unang tingin, pero sa likod ng itsurang ‘yun ang maganda niyang puso na nagbibigay-respeto sa lahat ng kanyang nakikilala.
May bago na namang anak ng sining na mamahalin si Japs Gersin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.