BALIK-Philippine Basketball Association ang dating superstar na si Vergel Meneses na magsisilbi bilang isa sa mga assistant coaches ng Air21 Express simula sa darating na Governor’s Cup na mag-uumpisa sa Agosto 14.
Si Meneses ay nakatakdang pumirma ng kontrata sa Express sa isang linggo at makakatulong ni coach Franz Pumaren sa paghahanda para sa season-ending conference.
Kasama ni Meneses bilang mga assistant coaches sina Gerardo Santiago, Tonichi Yturri at Cholo Villanueva. Bukod sa pagkuha ng bagong assistant coach ay nakipagpalitan din ng manlalaro ang Air21 sa Meralco Bolts.
Ipinamigay ng Express sina Nonoy Baclao, John Wilson at 2015 second round pick kapalit nina Carlos Sharma at Vic Manuel.
Si Manuel, isang first round pick sa kasalukuyang season ay malaking karagdagan sa Express.
Ang dating Most Valuable Player ng defunct Philippine Basketball League at PBA D-League ay naglaro sa Global Port sa nakaraang Philippine Cup bago ipinamigay sa Meralco sa Commissioner’s Cup.
Si Sharma, isang 6-5 center ay dating manlalaro ni Pumaren noong sila’y nasa La Salle pa. Si Baclao, ang top pick noong 2010 Rookie Draft ay karagdagang big man para sa Meralco na nangangailangan ng matinding inside presence.
Nauna na kay Baclao ay kinuha ng Bolts ang beteranong sentro na si Don Carlos Allado buhat sa Barako Bull. Hindi naman bago para kay Meneses ang sistema ni Pumaren.
Magugunita nang magsimula si Meneses bilang head coach ng Jose Rizal University sa NCAA apat na taon na ang nakalilipas ay consultant niya ang kapatid ni Franz na si Derick.
Si Meneses ay nakapaglaro ng 14 seasons sa PBA at naparangalan bilang Most Valuable Player noong 1995. Kilala sa taguring “The Aerial Voyager”, nagsimula ang career ni Meneses sa Presto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.