Sketch ng suspek sa pagpatay sa QC barangay chair inilabas
ISINAPUBLIKO ng Quezon City Police District (QCPD) ang composite sketch ng isa sa mga itinuturong pumatay kay Barangay Bagong Silangan chair Crisell Beltran.
Sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ginawa ang sketch matapos makalap ang testimonya mula sa isang testigo na nakakita ng pananambang.
Idinagdag ni Esquivel na umabot na sa 11 testigo ang nakuhaan ng pahayag.
Ani Esquivel, nakita ng isa sa mga testigo ang mukha ng gunman nang tanggalin nito ang kanyang helmet para maglagay ng bala.
Idinagdag ni Esquivel na anim na suspek ang tinitingnang bilang ng mga sangkot sa krimen matapos namang tambangan ang sinasakyan ni Beltran at kanyang driver na si Melchor Salita habang binabagtas ang kahabaan ng J.P. Rizal st. sa Barangay Bagong Silangan noong Miyerkules.
Sinabi pa ni Esquivel na apat ang tinitingnang anggulo sa pagpatay kabilang ang pulitika, negosyo, ang kaugnayan ni Beltran sa mga illegal settlers, at love angle.
“[Tinitingnan] natin dito [ang] apat na direksyon ng imbestigasyon. Meron na rin tayong tinitingnan na persons of interest (We are looking at four directions of the investigation. We also have persons of interest),” sabi ni Esquivel.
Itinaas na sa P5 milyon ang pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon para mahuli ang mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.