Tourist bus vs trak; 4 patay, mahigit 40 sugatan
APAT katao ang nasawi at mahigit 40 pa ang nasugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang tourist bus sa isang trak, sa bahagi ng Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) na sakop ng Concepcion, Tarlac, Huwebes ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi bilang ang tour guide na si Ruel Castillo, at mga sakay na sina Ricardo Aledia, Isidro Brabante, at Laila Abito, pawang mga taga-Naic, Cavite.
Naganap ang insidente sa bahagi ng northbound lane ng SCTEX na nasa Brgy. Santiago, dakong alas-5:10.
Minamaneho ni Michael Sangcajo, 37, ang Jumbo Transport bus (BEK-523) nang sumalpok sa likuran ng trailer truck na dala ni Antonio Bulante, 43, sabi ni Supt. Fe Grenas, tagapagsalita ng Central Luzon regional police.
Tinatayang nasa 48 katao ang sakay ng bus nang maganap ang insidente, aniya.
Patungo sa Baguio City ang mga sakaya ng bus, na pawang mga empleyado’t opisyal ng barangay sa Naic, ayon sa isang ulat sa radyo.
Itinakbo ang mga sugatan sa walong ospital sa Tarlac at Pampanga.
Inaalam pa ang sanhi ng insidente, pero tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na nakatulog ang driver ng bus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.