Grupo ng JWs, inilunsad ang salin ng Bibliya sa wikang sarili
KILALANG relihiyoso ang mga Pilipino. Kaya naman kahit saan sila mapunta sa iba’t-ibang panig ng mundo, hindi maaaring huminto ang kanilang nakagisnan na, anumang anyo ng kanilang pagsamba.
Unang-una na rito ang pagtataglay ng personal na kopya ng kanilang mga Bibliya. Relihiyoso man o hindi, aaminin nilang nakapagbukas na sila at nakapagbasa ng Bibliya.
Lalo pa ang ating mga kababayan sa ibayong dagat. Palibhasa’y malayo sa kanilang mga mahal sa buhay kung kaya’t kumukuha sila ng lakas ng loob na manatiling matatag at matibay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya.
Laking pasalamat nila na puwede na rin palang magkaroon ng kopya ng Bibliya gamit ang kanilang mga electronic gadget.
Kaya naman, malugod na inanunsiyo ng mga kinatawan ng Jehovah’s Witnesses ang paglalabas ng bagong salin ng Bibliyang New World Translation sa wikang Cebuano, Waray-waray at Tagalog.
Inilabas ni Mark Sanderson, miyembro ng Governing Body ng mga Saksi ni Jehova ang revised New World Translation sa wikang Tagalog noong Enero 20 na dinaluhan ng may 123,555 katao mula sa Quezon City pati na ang mga tumutok sa internet.
Pinangunahan din ni Sanderson ang magkasunod na paglalabas ng mga salin ng Bibliya sa wikang Cebuano noong Enero 12 sa Lapu -Lapu City at ang Waray-waray naman sa Leyte Academic Center sa Tacloban City noong Enero 13.
Ipinaliwanag ni Sanderson kung gaano kaingat ang pagsisikap na ginawa ng mga tagapagsalin upang mapanatiling tumpak at madaling maunawaan ang nilalaman nito.
Dagdag pa ni Sanderson, kapuna-puna sa New World Translation ang pagsasauli at paggamit sa pangalan ng diyos, na Jehova at matatagpuan sa Bibliya ng 7,000 beses.
Naisalin na ang New World Translation sa 179 na mga wika sa buong daigdig kasama na dito ang nauna pang tatlong bersiyon sa Hiligaynon, Iloko at Pangasinan, na bumubuo sa bilang na anim (6) na bersiyon na ngayon ng Bibliya sa Pilipinas.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buwan ng Enero bilang “National Bible Month”.
Noong Disyembre 20, 2018, pinirmahan ni Duterte ang Republic Act 11163 na nagdedeklara ng huling araw ng Lunes sa bawat buwan bilang special working holiday at tinagurian itong “National Bible Day”. Hinihikayat nito ang bawat Pilipino na magbasa ng Bibliya bilang sentro ng Kristiyanong pananampalataya.
Sa Enero 24, sa ganap na 11:00 ng umaga, espesyal na panauhin ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer at Inquirer TV si Jethro Bumatay, overseer ng Translation department ng Watchtower Philippines.
Ngayon higit kailanman, kailangan ng tao ng pampatibay loob saan man siya naroroon. At tunay namang mas pahahalagahan ng bawat Pilipino ang Bibliyang nauunawaan nila sa wikang sarili.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.