Super Tekla tinalikuran ang lahat ng bisyo; sunud-sunod ang swerte sa GMA

By Ervin Santiago January 22,2019
share this

Super Tekla tinalikuran ang lahat ng bisyo; sunud-sunod ang swerte sa GMA

By Ervin Santiago January 22,2019
share this

TEKLA AT BOOBAY

SUMUSUMPA ang Kapuso TV host-comedian na si Super Tekla na tuluyan na niyang tinalikuran ang kanyang mga bisyo.

Naka-recover na siya sa lahat ng masasamang idinulot sa buhay niya ng mga kinasangkutan niyang kontrobersya simula pa noong mawala siya sa game show ni Willie Revillame na Wowowin.

Sa nakaraang presscon ng bago niyang proyekto sa GMA 7, ang The Boobay & Tekla Show kasama ang isa pang pambatong komedyante ng Kapuso Network na si Boobay, ipinagdiinan ni Tekla na masaya at tahimik na ang buhay niya ngayon.

Marami siyang natutunan sa mga hinarap niyang hamon ng buhay, pero ang masakit daw, may mga taong patuloy ayaw pa ring maniwala na nagbago na siya.

“Yes, I’ve been there, pinagdaanan ko na lahat ‘yan, di ba? Kumbaga, ganu’n talaga siguro, suspicious-looking talaga, e. Ha-hahaha! And I admit it, na-admit ko na sa sarili ko yun,” aniya.

Hirit pa niya, “Ganu’n talaga siguro, ‘no? Once na dumaan ka diyan, noted ka na sa ganu’n. Yung ang hirap i-erase.”

Sa tanong kung talagang tumigil na siya sa kanyang mga bisyo tulad ng pagsusugal, “Yes, of course. Wala ako ngayon dito kung I’ve been there, kasi number one pag sa ganyan ka nag ano, wala, lutang ka talaga.

“As I said, nu’ng nagkaroon ako ng ganyan, dyusko, nasa loob lang ako ng room. Kaya ngayon, pinagbubuti ko ang trabaho ko para patunayan sa GMA na karapat-dapat ako sa tiwala nila,” pahayag pa ng komedyante.

Bakit napag-isip-isip niya na magbago na at iwan ang bisyo? “Siyempre, dumarating tayo sa point ng buhay natin na kailangan nating i-drop lahat, kasi hindi mo puwedeng yakapin, e, ’til the end. Kasi mas maganda pa rin na pagtanda mo may naipon ka.”

Ano ang mga aral ng buhay na natutunan niya matapos mapagtagumpayan ang lahat ng pagsubok na pinagdaanan niya?

“Ano lang, magpakumbaba ka lang no matter what. Pero hindi yung magpakumbaba ka na aapakan ka na lang. Siyempre, magpakumbaba saka be yourself. Kasi yun yung importante, e.

“Kasi kailangan sa…dyusko sa mundo namin, talagang sobrang mabigat ang kumpetisyon dito, lalo na sa aming mga komedyante. Siyempre kailangan mo ring pag-aralan at marunong ka ring sumabay sa mga taong nakakatrabaho mo,” aniya pa.

Naniniwala kami na nagbago na si Tekla kaya sana’y huwag na siyang pagdudahan ng mga bashers.

Bigyan natin siya ng second chance lalo na’t ginagawa naman niya ang lahat para magkaroon ng magandang future at makapagpasaya ng manonood.

Samantala, isa na namang blessing ang dumating sa buhay ni Tekla pati na rin sa partner niyang si Boobay. Matapos magtagumpay sa online world, mapapanood na rin sa GMA 7 ang digital comedy program nilang The Boobay & Tekla Show.

Sa direksyon ni Rico Gutierrez, mas maraming ihahandang bagong putahe ang comic duo sa manonood tuwing Linggo ng gabi na tiyak na ikahahagalpak ng Kapuso viewers. Ito ang itatapat sa talk show ni Vice Ganda every Sunday night.

Kaya huwag palalampasin ang pagsisimula ng The Boobay & Tekla Show sa darating na Jan. 27 after Kapuso Mo Jessica Soho sa GMA Sunday Grande. Siguradong mabisa itong gamot para kahit paano’y makalimutan ang ating mga problema.

q q q

Nilinaw naman ni Tekla ang tsismis na hanggang ngayon ay may bitbit siyang tampo kay Willie Revillame dahil sa pagkatsugi niya sa Wowowin.

Ayon sa Kapuso comedian hinding-hindi siya magtatampo kay Willie, “Kasi kung hindi dahil kay Kuya Wils, walang Tekla ngayon sa TV.

“Utang ko sa kanya kung nasaan ako ngayon. Nagkaroon man kami ng problema noon pero tapos na iyon. Okay na kami ni Kuya. Sabi ko nga sa kanya, anytime na kailangan niya ako sa Wowowin willing ako kahit libre,” aniya pa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending