No. 1 rookie pick CJ Perez sasabak na para sa Columbian vs San Miguel
Laro Ngayong Biyernes (Jan. 18)
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Columbian vs San Miguel Beer
7 p.m. Rain or Shine vs NLEX
MASUSUBOK na ang husay ng top rookie draft pick na si Christian Jaymar “CJ’’ Perez sa pagsabak niya para sa Columbian Dyip kontra defending champion San Miguel Beermen sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup game ngayong Biyernes sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Hangad ng Dyip na makapagtala ng upset win kontra Beermen sa kanilang alas-4:30 ng hapon na laro bago ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at NLEX Road Warriors dakong alas-7 ng gabi.
Idinagdag ng Beermen ang All-Star guard na si Terrence Romeo sa kanilang matinding lineup na kinabibilangan nina five-time season MVP June Mar Fajardo, Season 43 top rookie pick Christian Standhardinger, dating season MVP Arwind Santos, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Puntirya rin ng Beermen na mauwi ang kanilang ikalimang sunod na Philippine Cup title.
Aasahan naman ni Columbian coach Johnedel Cardel si Perez katuwang ang mga beteranong manlalaro para pangunahan ang koponan.
“He (Perez) has lots of potential as a player, pero siyempre hindi lang isang tao ang aasahan mo sa laro,’’ sabi ni Cardel. ‘‘Kailangan talaga namin na mag-contribute ang bawat isa sa laro lalo pa na makakalaban namin ang isa sa pinakamalakas at may pinakamaraming superstar na koponan.”
Maliban kay Perez, sasandlan din ni Cardel sina Jar-R Reyes, Rashawn McCarthy at Jeepy Faundo pati na sina Jerramy King at rookie guard JP Calvo.
Samantala, ipaparada ng Elasto Painters ang dalawang batikang rookie nito na sina Javee Mocon at Jayjay Alejandro. Makakatulong din nila sina Gabe Norwood, Beau Belga, James Yap, Raymond Almazan, Maverick Ahanmisi at Norbert Torres.
Mapapalaban naman ang Elasto Painters kontra Road Warriors na isasalang si John Paul Erram.
Sasandalan din ni Road Warriors coach Yeng Guiao ang rookie nitong si Kris Porter pati na ang mga bereranong sina Larry Fonacier, JR Quinahan, Cyrus Baguio at ang nagbabalik na si Kevin Alas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.