Suntok sa buhay: Harry at Violito | Bandera

Suntok sa buhay: Harry at Violito

Dennis Eroa - January 08, 2019 - 08:51 PM

SA mga masususing tagamasid ng Pinoy amateur boxing, hindi maaaring mawala sa ala-ala sina Harry Tañamor at Violito Payla.

Hindi lang isa kundi maraming beses na nagbigay ng karangalan ang dalawa sa bansa sa larangan ng boksing. Alam ng lahat yan.

Noong palaging may bitbit na mamamahayag ang asosasyon ng amatyur boxing dito sa bansa sa mga internasyonal na labanan, ay pinalad akong makasama at makita ng malapitan ang matitinding laban nina Harry at Violito. Naramdaman ko ang kanilang sakripisyo para sa bayan. Kung paano sila mag-diyeta, tumakbo sa kuwartong napakainit, at iba pa, upang makuha ang timbang.

Kalakaran na ngayon sa amatyur boksing ang hindi pag-iimbita sa mga mamamahayag sa pag-cover ng mga laban ng mga Pinoy sa ibang bansa at iyan ay hindi ko na pupunahin. Ika nga ay diskarte yan ng pamunuan ng ABAP at maaaring may mga sariling dahilan ito upang hindi na magyaya ng mga respetadong mamamahayag. ‘Yun nga lang, nawawalan ng lalim at kislap ang ‘‘coverage’’ o ang pagsubaybay sa mga kabayanihan ng mga Pinoy amateur boxers.

Sabi nga ng isang beteranong mamamahayag, ‘‘Paki ko! Sila naman ang makukulangan dyan sapagkat hindi mabibigyan ng malaking atensyon ang pinagpaguran ng kanilang mga boksingero.’’

Naniniwala akong marami pa ring tunay na mandirigma na nandiyan sa amatyur boxing tulad ng Velasco brothers, Ronald Chavez at si Violito na kasama sa coaching staff. Kung hindi ako nagkakamali ay aktibo pa rin si Roger Fortaleza.

Kaiba naman ang sitwasyon sa propesyonal boxing na laging may mga kasamang mamamahayag sa mga labanan upang tiyakin ang malayang pagbibigay ng mga inpormasyon sa masa at mga boxing fans.
Nabanggit ko sina Harry at Violito sapagkat tunay nga na may magandang buhay matapos ang kani-kanilang mga kareera bilang mga pambansang atleta. Sila rin ay mga responsableng ama ng kanila-kanilang mga anak at mga kabiyak.

Dalawang beses naging Olympian si Harry samantalang kinuha ni Violito medalyang ginto noong 2006 Asian Games at lumaro rin noong 2004 Athens Olympics.

Isang flyweight si Violito na tubong Cagayan de Oro at light flyweight naman ang Zamboanga City-pride na si Harry.

Huli kong nakasama si Harry noong 2007 World Amateur Boxing Championships sa Chicago na kung saan ay nakuha niya ang medalyang pilak matapos yumuko kay Chinese superstar Zou Shiming sa final. Sa sumunod na taon ay nanalo ng medalyang ginto si Harry sa 2008 Boxing World Cup sa Moscow, Russia matapos gulatin si Yampier Hernández ng Cuba sa final.

Dahil sa problema sa balikat ay napaaga ang pagreretiro ni Violito ngunit hindi ito naging hadlang upang isalin niya ang kanyang natutuhan sa mga batang boksingero.

Ang maganda nito ay sa simula pa lang ng kanilang mga karera sa pambansang koponan ay kabilang na sa Armed Forces of the Philippines sina Harry at Violito.

Sarhento si Violito samantalang Master Sergeant si Harry na siyang nagsasanay sa mga kadete sa Philippine Military Academy sa larangan ng boksing. Natitiyak ko na hindi lang mahusay sa boksing sina Harry at Violito kundi maging sa paggamit ng baril.

Pinasasalamatan ng dalawa si dating ABAP President Manny Lopez na ngayo’y isang Manila Congressman. Bagamat kulang sa pinansyal (hindi tulad ngayon na may suporta mula kay MVP) ay umusbong ang amateur boxing sa bansa sa ilalim ni Lopez.

Hindi rin nila nakalimutan ang kanilang mga coach at dating mga mga kasangga.

Pinasalamatan din ni Harry sina Gen. Alexander B. Yano, Lt. Gen. Ronnie Evangelista, BGen. Bartolome Vicente O. Bacarro, CPT Salvador Lavapie Jr, LTC Alan Margarata, CDR Willester Robles, Maj. Edgardo Batinay, Maj. Edbert Ngina, CPT Maristella O Dela Paz, Maj. Thomas Bawayan, at Maj. Mark Serapion Lagud.

Mabuhay kayo Harry at Violito!

Tagumpay na naman si Donnie

Bago magtapos ang 2018 ay muling nagpakita ng kadakilaan si Donnie “Ahas” Nietes, ang ating bagong World Boxing Organization super flyweight champion.

Maging ang Games and Amusements Board (GAB) ay humanga sa kanyang husay sa ibabaw ng boxing ring.

Sa isang statement mula kay GAB ch airman Baham Mitra, sinabi nitong “The pride of Negros has done it again!”

Sa loob ng 12 rounds ay nakipagsabayan ang bayaning Pinoy sa kalaban nitong si Kazuto Ioka ng Japan at nanaig via split decision (118-110, 116-112, 112-116).

“Now he joins our Filipino champions, Nonito Donaire and Sen. Manny Pacquiao for having held world titles in four weight categories,” dagdag pa ni Mitra.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Nietes has become WBO world minimumweight champion, WBO world light flyweight champion, IBF world flyweight champion, and recently the WBO super flyweight champion. We are proud of you Donnie!”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending