Raymart-Juday loveteam bagong putahe ng ABS-CBN para sa 2019
PANAY na ang pagpapakita ng trailer ng Kapamilya shows na isasalang nila as pagpasok ng 2019. Ang tatlong malalaking programa ng Dos na magsisimula ngayong buwan ay ang The General’s Daughter, World Dance (dance competition) at ang pagbabalik ng Minute To Win It.
Bukod diyan, marami pang mga programa ang Kapamilya Network ang naka-standby gaya ng Starla ni Judy Ann Santos. Middle of last year pa ito nabalita but up to now ay mukhang hindi pa siya isasalang sa ere.
Napanood na namin ang ilang eksena sa Starla at mukha namang promising. Plus, fresh para sa viewers na makakapareha ni Juday ang ex-hubby ni Claudine Barretto na si Raymart Santiago.
Sa nakaraang Christmas special ng Dos ipinakilala sa audience ang tambalan nina Juday at Raymart. In fairness, they look good together on stage at may mga kinilig na fans sa Araneta Coliseum. Ibig sabihin, may dating ang Juday-Raymart tandem.
Natatawa na natutuwa naman kami kay Raymart habang pinapanood siya sa duet nila ni Juday.
Mukhang mahiyain pa rin ang aktor at parang hindi mapalagay na kasama niya si Juday sa stage habang kumakanta.
Pero sa production number naman niya kasama ang mga kapatid na sina Rowell at Randy Santiago, bigay na bigay siya sa pagsasayaw, huh!
Nagkaroon naman kami ng chance na makausap ang isa sa mga bidang child star sa Starla na si Enzo Pelojero na kilala rin bilang si Bingo. Marami na raw silang na-tape na episode and very happy siya na makatrabaho si Juday.
“First time ko po siya nakita. Nu’ng una po, medyo hindi pa kami close. Nu’ng tumagal po, lagi na kaming nagba-bonding. Minsan po binibigyan niya ako ng mga chocolate,” kwento ni Enzo.
After that, close na raw sila ni Juday. Lagi raw nagkukuwento sa kanila si Juday ng kung anu-ano. Pero ‘di pa raw niya nami-meet ang mga anak ng Soap Opera Queen, “Ay, hindi po. Hindi po niya sinasama sa taping, e.”
Si Enzo ang bagong image model ng Hammerhead for Kids Jeans and Shirts. Nag-expire na kasi ang kontrata ng dati nilang endorser na si Onyok Pineda.
Bata pa lang ay nagmo-model na si Enzo. Nag-workshop din siya hanggang makuha sa “Mini Me” contest ng It’s Showtime. Naging second runner-up siya kung saan ginaya niya si Daniel Padilla.
Pagkatapos ay naging bahagi na siya ng “Sinemoto” segment sa noontime show ng Dos na tumagal ng tatlong buwan. Dito nakilala si Enzo bilang si Blad. Then, nagkaroon siya ng ilang guesting for Maalaala Mo Kaya hanggang kunin for a special role sa pelikulang “Ang Panday” ni Coco Martin.
At sa ngayon, bahagi pa rin si Enzo ng top-rating teleserye ng ABS-CBN na FPJ’s Ang Probinsyano bilang si Dexter. Nakatanggap na rin siya ng nomination mula sa PMPC Star Awards for TV sa kategoryang Best Child TV Performer of the Year nu’ng 2017 and 2018.
Dahil sa achievements na ‘yan ni Enzo kaya siya ang napili ng Hammerhead for Kids para gawing child celebrity endorser.
Masaya si Enzo na kinuha siya ng Hammerhead dahil imbes na bibili pa sila ng damit, may libreng supply na sila kaya laking tipid for his family.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.