GINULAT ng reigning Bahrain champion Al-Manama ang bumibisitang Rain or Shine Elasto Painters, 96-91, Huwebes ng gabi para maging kauna-unahang Bahraini club na tumalo ng isang professional team mula sa Philippine Basketball Association sa kasaysayan ng Bahrain-Philippines Goodwill Basketball Games.
Bumida para sa Al-Manama si Mozamel Ameer na naghulog ng krusyal na apat na free throw para tulungan ang kanyang koponan na itakas ang panalo sa unang araw ng goodwill league.
Nauna nang naghabol ang Manama sa 77-70 iskor sa huling yugto bago uminit ang kanilang outside shooting sa laro at tumira ng 3-pointer si Hussain Shaker para itabla ang iskor sa 91-all.
Sinundan naman ito ng dalawang charity shot ni Ameer may 44.3 segundo ang nalalabi sa laro.
Bagamat hindi natawagan ng goal-tending violation si Ahmed Najaf sa tira ni Jewel Ponferada nagpakatatag naman ang Manama para maselyuhan ang panalo.
Hindi rin nakatulong ang mga pangunahing manlalaro ng Rain or Shine na sina James Yap at Beau Belga na nabigong ipasok ang mga krusyal na basket.
Gumawa si American import Wayne Chism ng 18 puntos para pangunahan ang Al-Manama kontra sa kanyang dating koponan.
Sina Shaker at Mohammed Hussain ay nagdagdag ng tig-17 puntos habang si Ameer ay nag-ambag ng 11 puntos.Nagtala si Ed Daquioag ng 21
puntos para pamunuan ang Elasto Painters habang si Mark Borboran ay kumana ng 12 puntos at si John Maiquez ay nagdagdag ng 11 puntos. Sina Belga at Yap ay umiskor ng tig-pitong puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.