Bobby Ray Parks hindi makakalaro sa PBA Philippine Cup
HINDI makakalaro ang No. 2 overall pick ng 2018 Rookie Draft na si Bobby Ray Parks Jr. sa pagbubukas ng ika-44 season ng Philippine Basketball Association (PBA) ngayong Enero 13.
Inamin ni Parks nitong Biyernes na hindi pa siya pumipirma ng kontrata sa Blackwater Elite at sinabi nito na tatapusin muna niya ang paglalaro sa San Miguel-Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League (ABL) bago maglaro sa PBA.
“I haven’t signed anything yet. Boss Charlie (Dy) is taking care of negotiation and everything,” sabi ni Parks matapos ang kanyang guest appearance sa television program na The Score.
“Right now, I am focused on Alab and want to complete my commitment to the team. I also wished to finish my stint with the ABL before going on to the PBA,” sabi pa ni Parks.
Dahil sa pagsabi ni Parks na tatapusin muna niya ang paglalaro sa Alab nangangahulugan ito na hindi siya makakapaglaro sa kabuuan ng Philippine Cup at makakalaro lamang siya sa Blackwater sa Mayo.
Sinabi naman ng manager ni Parks na si Dy na nakatakda silang magkipagkita sa Blackwater management ngayong Lunes para ayusin ang nasabing gusot.
Nauna nang nagpadala sa PBA Office ang Blackwater management ng two-year offer bilang pagtalima sa kautusan ng liga para masiguro ang serbisyo ng dating UAAP Most Valuable Player bagamat humiling ang kampo ni Parks ng three-year maximum contract para sa second overall pick ng nakalipas na Rookie Draft.
Pinagkalooban naman ng Elite ang 25-anyos na si Parks ng maximum three-year contract na may garantisadong suweldo na P10.4 milyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.