AABOT sa P120 milyon halaga ng ari-arian ang napinsala nang salakayin ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang isang quarry sa Ayungon, Negros Oriental, at silaban ang mga heavy equipment doon, ayon sa mga otoridad Huwebes.
Tinatayang 50 armadong kasapi ng NPA ang sumalakay sa quarry ng Pilipinas Eco Friendly Mining Corporation sa Brgy. Jandalamanon dakong alas-11:45 ng gabi Martes, sabi ni Senior Supt. Raul Tacaca, direktor ng Negros Oriental provincial police.
Sinilaban ng mga rebelde ang di bababa sa pitong backhoe, tatlong loader, isang dump truck, at dalawang generator set, na pawang mga ginagamit ng kompanya pangunguha ng mineral na silica, aniya.
Nag-iwan pa ang mga rebelde ng banner ng Partido Komunista ng Pilipinas sa isang mataas na bahagi ng minahan, ani Tacaca.
Dinisarmahan din ng mga rebelde ang dalawang guwardiya, ayon naman sa isang ulat sa radyo.
Kinumpirma din ni Lt. Gen. Noel Clement, hepe ng Armed Forces Central Command, ang insidente at sinabing ito’y labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, na nilagdaan ng gobyerno at National Democratic Front ng mga rebeldeng komunista.
“They again targeted a legitimate company which is one of the sources of livelihood of the people in that area. The attack is a clear and undeniable proof of their total disregard to humanity,” aniya.
Nagpakalat na ng mga sundalo’t pulis para tugisin ang mga salarin.
“I already directed my ground commanders that there will be no let up on our pursuit,” ani Clement.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.