Antipolo City Jail nasunog: 1 patay, 23 naospital
ISANG inmate ang nasawi at di bababa sa 23 ang naospital dahil sa sunog sa Antipolo City Jail sa lalawigan ng Rizal, Huwebes ng gabi, ayon sa mga otoridad.
Dalawampu’t apat na inmate ang dinala sa pagamutan, ngunit di na umabot nang buhay si Cesar Organo, 84, may kasong rape, sabi ni Chief Insp. Javier Solda, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology.
Tumakas ang inmate na si Michael Zymon Dig, may kasong dalawang bilang ng robbery, noong kasagsagan ng sunog, pero sumuko rin sa mga tauhan ng BJMP na pinamunuan ni city jail warden Supt. Mirasol Vitor, dakong alas-7 ng umaga Biyernes, ani Solda.
Sa mga naospital, lima pa ang nananatili sa ospital habang ang iba’y naibalik sa selda Biyernes ng madaling-araw, aniya.
“We would like to assure the public that all of the detainees at Antipolo City Jail were locked inside their cells, contrary to information of mass escape circulating on social media,” sabi pa ni Solda.
May kabuuang 1,670 inmate sa city jail. Sa naturang bilang, “accounted for” na ang 1,669 at ang isang nasawi, ayon naman sa Calabarzon regional police.
Nasimula ang apoy sa Cell 10 dakong alas-7:45, at nagdulot din ng pinsala sa mga kalapit na selda.
Dahil sa apoy ay nag-panic ang mga inmate at may mga nakalanghap pa ng usok, ayon sa pulisya.
Agad namang dumating ang mga bumbero at naapula ang apoy alas-8:55, bago ito tuluyang kumalat.
Pinaniniwalaang “faulty electrical wiring” ang sanhi ng sunog, ayon sa pulisya.
Ayon kay Solda, kinukumpuni na ang mga napinsalang selda at ang mga inmate na nakapiit sa mga ito ay pansamantalang inilipat sa Cainta Municipal Jail at Cardona Municipal Jail.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.