MARAMI na namang pangangailangan para sa mga caregiver ngayon.
Matatandaang nagkaroon ng problema noon sa dami ng mga caregiver na nagsipagtapos sa Pilipinas, sampung taon na ang nakararaan.
Palibhasa para naman kasing nagsulputang kabute ang mga training centers noon dahil sa laki ng demand sa abroad para sa mga caregiver.
May mga doktor at mga nurses pa nga na kumuha ng caregiving course para lamang makapag-abroad.
Na piniyukan din ng sector na ito dahil inaagawan pa ‘anya sila ng trabaho, at kung tutuusin nga naman, over qualified sila para sa naturang patrabaho.
Ngunit hindi naman nagtagal iyon, dahil kung kailan napakarami nang nagtapos ng caregiving, saka biglang nahinto ang pagpapaalis sa kanila.
Wala nang pagdalhan ng mga caregiver noon. Kaya nagkaroon ng over supply ng caregiver sa bansa, kung kaya’t ipinahinto ng pamahalaan ang pagbibigay ng accreditation sa mga training centers pati na sa kursong caregiving.
Matapos ang mahabang 10 taon, at dahil sa tinatawag na “aging population”, maraming bansa na ang nagpahiwatig ng kagustuhan at kahandaan nilang kumuha ng mga Filipino caregivers.
Totoo naman, maging dito nga sa Pilipinas, kung may kakayahan naman ang
isang pamilya na kumuha ng makakatulong nila sa pag-aalaga sa mga nakatatanda, kumukuha sila ng nurses at caregivers at malaking bagay iyon sa pamilyang wala rin halos maasahan na kayang magbantay ng 24/7 sa mga matatanda lalo na kung may sakit na ang mga ito.
Para naman sa mga caregiver, maigi na rin ‘anyang tanggapin na muna ang trabaho sa bansa kaysa wala. Ngunit naghihintay lamang sila ng pagkakataon na magkaroon ng tsansang makapag-abroad dahil hamak na napakalaki naman ‘anya ng susuwelduhin sa labas ng Pilipinas.
Magandang training din ang lokal na mga patrabaho para sa kanilang job application overseas. Kahit papaano, may maisusulat silang job experience.
Maging mapag-bantay na lang sana ang ating mga caregiver, dahil tiyak na sa mga susunod na araw, may iaanunsiyo na si Labor Secretary Silvestre Bello III hinggil diyan.
May kasunduang maaaring mapirmahan na sa bansang Israel at nagpahiwatig na rin ng interes ang mga bansang tulad ng Germany at Japan na kumuha ng mga Pinoy caregivers.
Pero katulad ng dati, huwag sanang padalos-dalos sa pag-aaply ang ating mga kababayan. Nagkalat ang mga illegal recruiter at ang mga ganitong anunsiyo lamang ang hinihintay nila upang makapang-biktima na naman.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ
990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live
streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW
E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.