Valerie, Jean walang patawad, nag-iskandalo sa Simbang Gabi
NARANASAN n’yo na bang makipag-away at gumawa ng iskandalo habang nagsisimbang-gabi?
Yan ang bagong pasabog na eksena sa nakaraang episode ng GMA Afternoon series na Ika-5 Utos na talagang pinag-usapan na naman nang bonggang-bongga sa social media.
Muling nagkrus ang landas ng dating mag-BFF na sina Clarisse (Valerie Concepcion) at Eloisa (Jean Garcia) na mortal na ngayong magkaaway matapos agawin ng huli ang asawa (Tonton Gutierrez) ng kanyang kaibigan.
At tulad ng inaasahan, nagbugbugan na naman ang dalawa sa harap mismo ng simbahan kung saan nagtagpo ang kanilang mga anak na sina Brix (Jeric Gonzales) at Candy (Klea Pineda). Tutol na tutol kasi si Clarisse sa relasyon ng dalawa kaya gagawin niya ang lahat para paghiwalayin ang mga ito.
Kaya nang sumugod ito sa simbahan nakita na naman niyang kasama ni Candy si Brix kaya nagwala ito sa galit. At ang sumunod na eksena ay ang makasaysayang “thug of war” kung saan naghilahan ang magkalabang pamilya habang pinaglalayo sina Candy at Brix.
Hanggang sa nagkagulo na nga sa Simbang Gabi. Sinugod na ni Eloisa si Clarisse at walang patumanggang pinagsasampal.
Siyempre, magpapatalo ba si Valerie, sinabunutan naman niya si Jean at tinangkang ingudngod ang mukha nito sa nilulutong puto bumbong sa harapan nila. Pero nakawala si Jean at muling pinagsasampal si Valerie.
Nakakaloka talaga ang eksenang yun! At nagtagumpay na naman sila na kunin ang atensyon ng manonood at ng mga netizen. Yan daw ang sikreto ng Ika-5 Utos kaya patuloy na sinusubaybayan ng mga televiewers.
Asahan na ang mas marami pang nakakabaliw at nakakagalit na eksena sa pagpapatuloy ng kuwento ng Ika-5 Utos sa GMA Afternoon Prime after ng Asawa Ko, Karibal Ko.
Kasama pa rin dito sina Gelli de Belen, Antonio Aquitania, Jake Vargas, Inah de Belen at marami pang iba. Ito’y sa direksyon ni Laurice Guillen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.