Eddie, Gina may mensahe kay Coco para sa issue ng ‘Ang Probinsyano’
MABUTI na lang at binili ng Globe Studios ang pelikulang “Hintayan Ng Langit” na mapapanood na bukas, Nob. 21 na idinirek ni Dan Villegas.
Co-producer dito ang bagong movie production na Project 8 Corner San Joaquin Projects na pag-aari ng girlfriend ni Direk Dan na si Antoinette Jadaone.
Isinali sa QCinema Film Festival nitong nakaraang Oktubre ang “Hintayan Ng Langit” pero marami ang hindi nakapanood nito kung saan bida sina Eddie Garcia at Gina Pareno dahil kaunti lang ang sinehang pinaglabasan nito.
Isa kami sa na-curious sa kuwento ng “Hintayan Ng Langit” dahil base sa trailer ay pareho nang patay ang karakter nina Eddie at Gina na naghihintay ng tamang panahon para makaakyat sila sa langit. Si Gina ay matagal na sa purgatoryo habang si Eddie ay kamamatay lang.
Dati silang magkarelasyon noong nabubuhay pa at ipinakita ni direk Dan sa pelikula kung paanong tumakbo ang kuwento ng kanilang pag-iibigan hanggang sa kabilang buhay. Sa totoo lang cute ang kuwento ng movie kahit na nga may edad na ang mga bida, pero feeling bagets pa rin.
Ayon kay direk Dan, mula ito sa one-act play na isinulat ng spoken word artist na si Juan Miguel Severo. Nanalo rito ng Best Actor si Eddie sa 2018 QCinema at nakakuha rin ng Audience Choice award.
Viral sa social media ang magandang reviews ng “Hintayan Ng Langit”, bukod sa kuwento, pinuri rin ang production value at kakaibang konsepto.
Ayon sa Globe Studios executive na si direk Quark Henares, “When I first read the ‘Hintayan Sa Langit’ script for QCinema, I couldn’t put it down. When I handed it to our producers, they felt the same way. This is a film Globe Studios had to do.”
Samantala, pagkatapos ng presscon ay natanong si Gina kung ano ang reaksyon niya na mainit ngayon sa mata ng PNP ang aksyon-seryeng Ang Probinsyano ni Coco Martin. Malapit lasi ang veteran actress kay Coco dahil ilang beses na rin silang nagkasama sa mga teleserye ng ABS-CBN.
“Apo, stay positive. I know you can overcome all these. After all, we’re just doing our job as actors,” say ng aktres. Naging guest din si Gina sa Probinsyano noon bilang si Olga.
Napapanood pa rin si Eddie sa nasabing serye bilang si Don Emilio na parang pusa na hindi mamatay-matay maski ilang beses nang nabaril. Sa umeereng kuwento ay ginagampanan niya ang karakter na Señor Gustavo Torralba.
“As for the issue, well it’s up to them, its management’s call. I have nothing to do with it, I’m just an actor there,” pahayag niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.