Yasmien Kurdi 10 taon nagsakripisyo para maka-graduate: Gusto kong makatulong sa mga OFW
UMABOT ng 10 taon bago natapos ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi ang kursong Political Science sa Arellano University.
Ngunit tulad nga ng kasabihan, sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa graduation din natuloy ang pagsisikap ni Yasmien na makakuha ng college diploma.
At hindi lang basta naka-graduate si Yasmien at nakakuha ng diploma, nagtapos siya ng Magna cum Laude.
“Sobrang thankful ako kay Lord. To God be the Glory talaga. All for His glory. Inspired ako na gawin ko ‘yung best ko dahil sa family ko,” ayon sa aktres sa panayam ng GMA.
Inamin din ni Yas na hindi biro ang ginawa niyang sakripisyo para lang makapagtapos. Matinding challenge ang hinarap niya habang pinagsasabay ang pag-aaral at ang paggawa ng teleserye sa GMA. Aniya, napakalaki ng naitulong ng kanyang pamilya at asawa para maabot ang tagumpay.
“Time management talaga. I’m really happy na lahat ng tao sa paligid ko, all-out support sa akin at naroon lagi ‘yung pasensiya nila sa schedule ko.”
Sa tanong kung bakit Political Science ang kinuha niyang kurso, “Political Science kasi ‘di ba nu’ng bata kasi ako, tumira ako sa Kuwait kasama ko ‘yung mom and dad ko.
“So nakita ko ‘yung situation ng OFWs doon at ng mga kababayan natin.
“Parang naisip ko, in the future kung kukuha ako ng kurso, ‘yung something na makakatulong naman ako sa kanila,” paliwanag pa ni Yasmien.
Sa Instagram post naman ng aktres, pinasalamatan niya uli ang kanyang pamilya, “Salamat sa pamilya ko, sa asawa ko na si Rey sa pagmamahal, pag-gabay, pag-iintindi at inspirasyon na binibigay mo sa aking buhay. At sa anak ko na si Ayesha Zara, gusto ko lang talaga maging magandang halimbawa sa’yo anak.
“Mahal na mahal kita! Laging proud si mama sa’yo. Sa aking ina, ang aking pinaka-unang guro. Salamat sa pagpapalaki at pagsasakripisyo ng maraming bagay sa buhay mo para sa akin. Para sayo ito, Ma! Mahal kita.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.