San Beda Red Lions nahablot ang ika-23 NCAA men’s basketball title
NASUNGKIT ng defending champion San Beda University Red Lions ang ika-23 men’s basketball title matapos na muling dominahin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 71-56, sa Game 2 ng NCAA Season 94 best-of-three men’s basketball Finals Lunes sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagtala si Javee Mocon, na pinarangalan bilang Finals Most Valuable Player, ng double-double sa ginawang 16 puntos at 11 rebound para pamunuan ang San Beda na nauwi rin ang ikatlong sunod na kampeonato.
Nag-ambag si Clint Doliguez ng 14 puntos habang si Donald Tankoua ay gumawa rin ng double-double sa kinamadang 13 puntos at 16 rebound para sa Red Lions.
Nanguna naman si CJ Perez para sa Lyceum sa ginawang 19 puntos.
Nagdagdag si Jaycee Marcelino ng 13 puntos habang kumana si Mike Nzeusseu ng double-double sa itinalang 11 puntos at 13 rebound para sa Pirates.
Samantala, pormal na kinilala si Prince Eze ng University of Perpetual Help bilang season Most Valuable Player Lunes matapos ang impresibong paglalaro ngayong Season 94.
Ang 6-foot-9 at 24-anyos na sentrong si Eze ay nakalikom ng 61.39 Player All-Around Value para talunin sina Letran Knights swingman Bong Quinto (48.83) at ang mga San Beda players na sina Robert Bolick (48.39), Mocon (47.89) at Tankoua (46.56), na pare-pareho ring nakapasok sa First Mythical Team.
Maliban sa MVP at Mythical Team awards, naisama rin ni Eze sa kanyang apat na nakuhang tropeo ang Defensive Player of the Year at Defensive Team.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.