GOOD day!
Gusto ko lang po sanang magreklamo sa agency namin. Until now hindi pa po kasi nila binibigay ang ni-request ko na Certificate of NonAdvancement and Agency Specimen Signature na gagamitin ko po sana sa pagpasa ng mga papeles para sa SSS para sa benepisyo ko sa maternity.
Kakapanganak ko lang nung July 08,2018 and nag-request ako ng CNA and specimen signature as part of the requirements given by the SSS. And unfortunately they are slow in giving feedback for the said request. I’ve been waiting for almost a month for them to provide the said request.
Sana po ay matugunan ang aking reklamo at karapatan bilang manggagawa. Maraming salamat po.
REPLY: Ito ay tugon sa katanungan ni B. Juliet Caga-anan patungkol sa kanyang maternity claim.
Para sa kanyang kaalaman, ang maternity benefit o benepisyo sa panganganak ay cash benefit na ipinagkakaloob sa babaeng miyembro na nanganak o nakunan. Ang babaeng miyembro ay kinakailangan nakapagbayad ng hindi bababa sa tatlong (3) buwang kontribusyon sa loob ng huling labing dalawang (12) buwan bago ang semestre ng kanyang panganganak o pagkakunan.
Ipinaaalala namin na sa ilalim ng SSS maternity benefit, pinapaunang bayaran ng employer ang benepisyo ng kanyang empleyado.
Ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form. Sa nasabing form ay isesertipika ng empleyado na naipauna na ng employer ang benepisyo sa kanya.
Kaya kung hindi pa paunang naibayad ang maternity benefit, huwag pirmahan ang form bagkus, dapat i-report ito sa SSS upang maituro sa employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng maternity benefit.
Kung hindi maasikaso ng kanyang employer ang maternity benefit reimbursement, maaari naman na siya na ang mag-file nito sa SSS branch na nakasasakop sa kumpanya nila. Kinakailangan lang isumite ang napunang SSS Maternity Benefit Reimbursement Application form. Kalakip nito ang aprubadong SSS Maternity Notification Form, birth certificate ng kanyang anak, mga dokumento ukol sa panganganak at dalawang valid ID.
Nais naming ipaalala sa kanya na kukumpirmahin sa pamamagitan ng pagpirma sa SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form na ang aprubadong halaga na nakasaad sa form ay pauna ng naibayad sa kanya. Ibig sabihin, pinatutunayan niyang naibigay na sa kanya ang nasabing benepisyo. Ang employer kasi ang babayaran ng SSS sa maternity benefit reimbursement. Kaya ang halagang ibinayad sa kanya ay papasok sa account ng employer. Marapat na matiyak niya na ibibigay sa kanya ang nasabing benepisyo.
Ipinapayo namin na kung hindi pa naibayad sa kanya, huwag niyang pirmahan ang form bagkus, dapat niyang i-report ito sa SSS upang maturuan ang kanyang employer ng tamang paraan ng pagbibigay ng maternity benefit.
Nais naming gamitin ang pagkakataong ito na tawagan ng pansin ang mga employer na sa ilalim ng Social Security Law, ang employer ang nag-aabono ng maternity be-nefit ng kanyang empleyado.
Nawa’y nabigyan po namin ng linaw ang katanungnan niya.
Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL
Francisco
Social Security Officer IV
SSS Media Affairs Department
Noted:
Ma. Luisa P.Sebastian
Department Manager
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.