PATAY ang isang nanay at kanyang apat na anak, samantalang sugatan ang tatlong iba pa matapos masunog ang isang aparment sa Iligan City, bago magdaling araw, ayon sa mga otoridad.
Kabilang sa mga nasawi ay ang nanay na si Elizabeth Baricuatro, 35; at kanyang mga anak na sina Francis, 14; Jethan, 9; Nathaniel, 7; at Xander, 5, sabi ni SFO2 Reynaldo Malio, chief investigator ng Bureau of Fire Protection-Iligan.
Natagpuan ang sunog na mga labi nina Elizabeth, Francis, at isa pang anak na lalaki sa loob ng bathroom, samantalang natagpuan naman ang dalawang iba pang anak na lalaki sa kanilang silid, sabi ni Malio sa panayam ng Bandera.
Sugatan naman ang mga kapitbahay Roelo Noro, JG Tiongco, at Fel Ann dela Cerna nang tangkaing tulungan ang mga biktima, ayon kay Malio.
Nasunog ang dalawang palapag na apartment Jocelyn Alcover sa Purok 4, Zone 2, Sitio Fuentes, Brgy. Maria Cristina.
“‘Yung apoy kasi, ang nakita namin doon, nagsimula malapit sa pintuan, parang wala silang (Baricuatros) malabasan,” ayon kay Malio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.