User na aktor butata kay sikat na female celebrity, masamang balak nabuking agad
KILALANG-KILALA ang isang male personality sa pagiging maangas at mahilig manggamit ng kanyang mga nakakarelasyon. Palaging ganu’n ang kuwento.
Kapag naghiwalay sila ng babae ay parang alkansiyang butas ito dahil sa pagiging user ng lalaki.
Pero kahit pa ganu’n na ang kanyang imahe ay sige-sige pa rin ang mga kababaihan, pumapatol pa rin sa kanya, magaling kasi ang bokadura ng male personality.
Naging project pala ng lalaking ito ang kunin ang atensiyon ng isang pamosong female personality.
Talagang gumawa siya ng paraang makalapit ang loob ng babae.
Kuwento ng aming source, “Tulad ng mga ex niya, pinagplanuhan din niyang maging karelasyon ang isang girl. Madatung kasi ang female personality, malakas kumita, kaya feeling ng guy, e, nakakita siya ng batang azucarera de mama.
“Gumawa siya ng kung anu-anong paraan para makuha ang attention ng girl, hanggang sa maging close na nga sila, du’n na nagsimula ang kanyang operasyon.
“Mismo! Ipinaglihi nga siya sa manggang hinog, in short, manggagamit siya, kailangang meron siyang mapala sa pagbibigay ng attention sa girl,” simulang chika ng aming impormante.
Kung nagtagumpay siya sa ibang mga babaeng personalidad na nakarelasyon niya ay nabulilyaso siya sa pamosong female personality. Naisahan ang user na lalaki.
“Waley! Inis na inis ang guy, kasi nga, e, hindi niya masolo ang girl! Maraming amuyong sa paligid ng babae, maraming nakapaikot na bumubulong, kaya hindi magawa ng lalaki ang project niyang isahan ang alam niyang may ikakasang girl sa kanyang mga gusto.
“At walang kaalam-alam ang male personality na may nauna nang nakapagsabi sa girl tungkol sa kanyang kartada. Nagtanung-tanong din naman siyempre ang girl tungkol sa kanya.
“Ayun! Hanggang sa nomo-nomo lang ang napala ng lalaki, inuman lang, hindi niya nagawa ang plano niyang dyowain ang girl para magetlakan niya ng kung anu-anong luho niya!
“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, hindi nakiayon ang kapalaran sa manggagamit na guy, hindi niya natumbok ang tamang panahon!” pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.